15 kalahok na fellows, napili na para sa PRS 5


Mula sa rekord na 116 lahok, napili na ang 15 manunulat para sa ika-limang Palihang Rogelio Sicat na gaganapin sa Marinduque, 15-20 Mayo 2012.

Ayon kina Dr. Jimmuel Naval at Dr. Reuel Molina Aguila, mga tagapagtatag at direktor ng PRS, ang mga napiling lalahok ay sina: (Sanaysay) Ferdinand Pisigan Jarin, at Jay Jomar F. Quintos; (Maikling Kuwento / Dagli) Jack Alvarez, Janice Maramara Cortez, Rachel Valencerina Marra, Sara Sebastian, Aliona Silva, at Riena Marie Llorin Solacito; at (Tula) John Roemart Atienza, Lean Karlo Borlongan, Ma. Cecilia C. de la Rosa, Francisco Arias Monteseña, Liberty Notarte, Maria Christina Pangan, at Daniw Plaridel Q. Santiago.

“Nais naming ipalagay na ang atraksyon ng PRS o and dami ng mga lumalahok ay dahil sa kaguruan nito. Sa nakaraan, naging bahagi ng kaguruan sina Edgardo Reyes, Rogelio Ordoñez, Efren Abueg, Elmer Ordoñez at Jesus Manuel Santiago. Bukod pa ito sa mga guro ng malikhaing pagsulat ng aming departamento at mga panauhing manunulat,” pahayag ni Dr. Naval.

Para sa PRS 5, ang kwentista-kritikong si Rosario Cruz Lucero, at ang makata-tagasaling si Marne Kilates ang mamumuno sa kaguruan. Makakasama nila si Bernadette Neri, Naval, Aguila at iba pang guro ng DFPP.

Ang PRS ang tanging pambansang palihan sa malikhaing pagsulat sa wikang Filipino. Itinataguyod ito ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, UP, Diliman, at ng Marinduque State College at Opisina ng Gobernador ng Marinduque.