Ang Alamat


Ang alamat ay isa sa kauna-unahang panitikan ng mga Piipino bago pa dumating ang mga Español. Karaniwang kathang-isip o maaari namang hango sa tunay na pangyayari. Pinagmulan ng isang pook, ng isang halaman o punongkahoy, ng ibon, ng bulaklak at iba pang mga bagay ang karaniwang paksa nito. Maaari ring tungkol sa mga pangyayaring di- kapani-paniwala o kaya’y tungkol sa pagkakabuo ng pangalan ng lugar, bagay at iba pa.
Mababakas sa alamat ang matatandang kaugaliang Pilipino. Layunin din ng alamat na manlibang. May tatlong bahagi ang alamat.

Simula: Kabilang sa simula ang mga tauhan, tagpuan, at suliranin. Sa mga tauhan nalalaman kung sino-sino ang magsisiganap sa kuwento at kung ano ang papel na gagampanan ng bawat isa. Maaaring bida, kontrabida, o suportang tauhan. Sa tagpuan nakasaad ang lugar na pinangyayarihan ng mga aksyon insidente, gayundin ang panahon kung kailan naganap ang kuwento. At ang bahagi ng suliranin ang nagsasaad ng problemang haharapin ng pangunahing tauhan.

Gitna: Binubuo ang gitna ng saglit na kasiglahan, tunggalian, at kasukdulan. Ang saglit na kasiglahan ang naglalahad ng panandaliang pagtatagpo ng mga tauhang masasangkot sa suliranin. Ang tunggalian naman ang bahaging nagsasaad sa pakikitunggali o pakikipagsapalaran ng pangunahing tauhan laban sa mga suliraning kakaharapin, na minsan sa sarili , sa kapwa, o sa kalikasan. Samantalang ang kasukdulan ang pinakamadulang bahagi kung saan maaaring makamtan ng pangunahing tauhan ang katuparan o kasawian ng kaniyang ipinaglalaban.

Wakas: Binubuo ang wakas ng kakalasan at katapusan . Ang kakalasan ang bahaging nagpapakita ng unti-unting pagbaba ng takbo ng kuwento mula sa maigting na pangyayari sa kasukdulan. At ang katapusan ang bahaging maglalahad ng magiging resolusyon ng kuwento. Maaaring masaya o malungkot, pagkatalo o pagkapanalo.

Sa tulong ng bawat bahagi ng alamat ay naipakita ang mga pangyayari na sumasalamin sa kultura, tradisyon, kaugalian at kalagayang panlipunan ng sinaunang Pilipino.