Ang Alamat ng Bundok Pinto
(Bahagi ng « The Legend of Mount Pinto” ng Maguindanao)
Mula sa “The Legends” by Damiana L. Eugenio
Labis na nakamamangha at napakahiwaga ang tungkol sa yungib. Ito ay pinanirahan ng mga supernatural na nilikha tulad ng mga diwata at reyna na pinaniniwalaang lumitaw nuong unang panahon. Sila ang pinaniniwalaang magagandang nilikha ng diyos na may napakaraming aria-arian tulad ng iba’t ibang uri ng mga alahas. Mayroon din silang mga bagay-bagay na yari sa tanso tulad ng mga agong (gongs), mga kulintang, mga gandingan at iba pang mga bagay-bagay na may kaugnayan o kabilang sa kumpletong mga instrumentong musikal na yari sa tanso.
Ang mga sinaunang nanirahan sa nayon ay maingat na nagmatyag at malapitang sinaksihan ang mga pambihirang gawi at mga kakatwang gawain ng mga kakaibang naninirahan sa yungib. Napuna ng mga taga-nayon na tuwing maaliwalas na mga gabi ay nagkakaroon ng pambihirang kasayahan sa bundok. Ang malamyos na musikang
likha ng mga instrumentong musikal ay maririnig mula sa bunganga ng yungib.
Mapagkikilalang ang musika ay likha ng kagamitang musikal na yagi sa tanso. Sa katahimikan ng gabi, ang musikang nagmumula sa bundok Pinto ay nakapagdudulot ng tunay na kasiyahan at kaligayahan sa mga naninirahan malapit sa bundok. Ang gayong kakaiba at kamangha-manghang nakaaaliw at masasayang pangyayari ay nagtagal at nagpatuloy ng maraming mga taon.
May pagkakataon pang ang ilang malalakas ang loob na lalaki ay di pa nasiyahan sa pakikinig lamang ng nakaaaliw na matamis at masarap pakinggang tugtuging idinudulot sa mga tao ng mga supernatural na nilikha. Isang gabi, tatlong mapangahas na lalaki ang sumubok na lumapit sa yungib ng bundok. Sila’y dahan-dahan at tahimik na gumapang hanggang sa makarating sa pinakamainam na lugar malapit sa bunganga ng yungib at doo’y nagkubli ng ilang sandali.
Ano ang kanilang nakita? Sila’y buong kapanabikang nangabigla nang makita ang mga kaibig-ibig tingnang mga nilalang na tumutugtug gamit ang mga intrumentong musikal na yari sa magagaang kawayan na makinis ang pagkayari. Sa pinakaloob na bahagi ng yungib, ang ibang mga reyna ay buong kasiyahang tumutugtog gamit ang mga kulintang, agong, gandingan at iba pang mga instrumento. Nang maramdaman nilang may mga tao sa di kalayuan, kaagad silang napatugil sa pagtugtog. Madali nilang
nalamang may tao sa paligid dahil sa kanilang matalas na pang-amoy.
Ang mayuyumi, magaganda at kabigha-bighaning mga nakababatang diwata at reyna ay biglang naglaho. Nahintakutan sila sa pagdating ng mga tatlong kalalakihan. Ang mga nakatatandang mga diwata at reyna lamang ang nanatili roon ngunit di kumikibo at nakamasid lamang. Naumid naman ang tatlong lalaki at di malaman ang
sasabihin ng makita nang harapan ang mga mga kabigha-bighaning nilalang.