Awit sa Isang Bangkay


Isang Elehiya

Ni Buenvinido A. Ramos

Ngayong hatinggabi’y nais kong awitin
Ang ayaw marinig ng aking Diwata;
Awit na kaiba may bagong pagtingin.
May dugo ng buhay may tamis ng luha
Awit na hinabi ng buwang may silim.
(isinumpang awit ng mga Bathala)

Anila, ang awit ay ang kagandahan
Na nakaayubo sa ating paligid
Mabituing langit, bagwis ng amihan
Maingay na lunsod, at payapang bukid
( di iyan ang awit na ngayon ay alay..
iya’y dati na’t mga lumang himig)

Ang awit kong ito’y pipit walong nota
At dalit sa labi ng mga pulubi
Kalan ay nasagpang ng mga buwitre
Aninong madapa sa mga bangketa
Sa gabing ang buwa’y ni ayaw ngumisi.

Notang sa silabato’y nagbinhi ng takot
At gintong makuyom sa bantay-salakay
Sa bawat lansanga’y uwak na magtanod
Laganap ang salot sa hulo’t luwasan
(sino ang pipigil kung ito ay agos,
kung pati ang puno’y yagit na lamang?)

Inihimig pang pangako ring wasak
Sa binging pandinig ng mga naburol
Agunyas man ito’y makaaagnas
Sa pusong nagmoog sa daya at lason..
( may bunyi ang awit ng palayong uwak
pagkat naging uwak ang lahat ng ibon).

Di para sa iyo ang awit kong ito
(Naririnig mo ba ang poos kong tinig?)
Ang inaawit ko’t para sa supling mo
Kung magsusupling ka sa boog mong hasik..
Ngayong hatinggabi ay aawitin ko
Ang kamatayan mong di mababagong-binhi.