Works Written in Filipino/Tagalog – Philippine Literature https://thephilippineliterature.com Your Ultimate Source of Past and Present Literary Filipino Works Mon, 27 Aug 2018 13:28:29 +0000 en-US hourly 1 https://wordpress.org/?v=4.9.8 Ang Kaligayahan ng Damo https://thephilippineliterature.com/ang-kaligayahan-ng-damo/ https://thephilippineliterature.com/ang-kaligayahan-ng-damo/#respond Mon, 20 Oct 2014 13:04:03 +0000 https://thephilippineliterature.com/?p=1084 May anghel na galing sa langit na nagbisita upang tiyakin kung tunay ngang ang lahat ng nilalang sa kagubatan ay nasisiyahan.

“Ginoong Punongkahoy, ikaw ba’y maligaya?” tanong ng anghel.

“Hindi,” ang sagot sa tinig na walang sigla, “sapagkat ako’y walang bulaklak.”

Ang anghel ay nagpunta sa bulaklak upang magsiyasat. “Binibining Bulaklak, ikaw ba’y maligaya sa iyong paligid?”

“Hindi ako maligaya sapagkat wala akong halimuyak. Masdan mo ang gardenia sa banda roon. Siya’y umuugoy sa amihan. Ang kanyang bango na taboy ng hangin ay kahali-halina!”

Ang anghel ay nagpunta sa gardenia upang mabatid ang damdamin nito. “Ano ang masasabi mo sa iyong halimuyak?”

“Ako’y hindi nasisiyahan. Wala akong bunga. Naiinggit ako sa saging! Iyon, siya’y natatanaw ko. Ang kanyang mga piling ay hinog na!”

Ang anghel ay lumapit sa saging, nag magandang-araw at nagtanong, “Ginoong Saging, kumusta? Ikaw ba’y nasisiyahan sa iyong sarili?”

“Hindi. Ang aking katawan ay mahina, hindi matibay na tulad ng sa narra! Pag malakas ang hangin lalo’t may bagyo, ako’y nababali! Nais ko sanang matulad sa narra!”

Nagpunta ang anghel sa narra at nagtanong, “Anong palagay mo sa iyong matibay na puno?”

“Sa ganang akin, gusto ko pa ang isang damo! Ang kanyang mga dahon ay matutulis. Ang mga ito’y nagsisilbing proteksiyon!” pakli ng narra.

Ang anghel ay nagpunta sa damo. “Kumusta ka ? Ano ang nanaisin mo para sa iyong sarili?”

“Masaya ako !” sagot ng damo . “Ayaw kong mamumulaklak. Walang kwenta ang bunga. Ayaw ko rin ng matibay na puno. Gusto ko’y ako’y ako… hindi nananaghili kaninuman pagkat maligaya!”

*nananaghili– naninibugho, naiinggit

tree

]]>
https://thephilippineliterature.com/ang-kaligayahan-ng-damo/feed/ 0
Ang Kwento ng Bayaning si Francisco Dagohoy https://thephilippineliterature.com/angkwentongbayaningsifranciscodagohoy/ https://thephilippineliterature.com/angkwentongbayaningsifranciscodagohoy/#respond Mon, 20 Oct 2014 12:43:04 +0000 https://thephilippineliterature.com/?p=1077 Dagohoy-2Narinig mo na ba ang pangalang Gat Francisco Dagohoy? Marahil ay hindi pa. Si Gat Francisco Dagohoy ay isa sa mga bayaning hindi lubhang pamilyar sa mga bata. Ang kanyang kagitingan ay kinikilala lalong-lalo na ng mga taga-Bohol. Si Dagohoy ay tubong Boholano.

Ang pinakamahabang pang-aaklas laban sa mga Kastila ay naganap sa Bohol sa ilalim ng pamunuan ni Gat Francisco Dagohoy. Ang dahilan ng paglaban ni Francisco Dagohoy sa kapangyarihan ng mga kastila ay ang kanyang kapatid.

Ang kanyang kapatid ay isang konstable ng pamahalaan ng Kastila. Ang konstable ay tumutupad ng mga tungkulin ng pulis. Ang konstableng ito ay nakipaghamok sa isang lalaki. Sa kasawiang-palad siya ay namatay.

Tumutol ang pari na basbasan ang bangkay ng kapatid ni Francisco Dagohoy. Di umano ang konstable ay namatay sa duwelo at hindi pinapayagan ng batas ng simbahan na basbasan ang bangkay ng sinumang taong namatay sa duwelo. Dahil dito namuno sa isang pag-aaklas si Francisco Dagohoy. Maraming tao ang sumama sa pag-aaklas na ito.

Si Da|ohoy at ang kanyang mga kasama ay nanirahan sa mga bundok at inabangan si Talibon sa Bohol. Ang mga taong ito ay namatay nang malaya at malayo sa mga kamay ng mga Kastila. Ang mga tauhan ni Dagohoy ay naging matagumpay sa paglaban sa mga Kastila. Ipinahayag ni Francisco Dagohoy na malaya ang lalawigan ng Bohol. Ang lalawigan ng Bohol ay hindi nagbabayad ng buwis sa mga Kastila. Ang katayuang ito ay nagpatuloy sa loob ng 85 taon.

Ang pamahalaang Kastila ay nagpumilit na makuha ang lalawigan ng Bohol. Ngunit matatag at matigas ang mga Boholano sa pagtatanggol ng kanilang kalayaan. Lubhang nababahala ang mga Kastila sa katapangan at katatagan ng mga Boholano. Kaya’t nagpadala sila ng malaki at malakas na hukbo na magpapasuko sa mga Boholano.

Malakas at malaki ang mga kanyong ginamit ng mga Kastila laban sa mga Boholano. Walang patumanggang pagsalakay ang ginawa ng mga Kastila. Napilitang tumakas ang mga manghihimagsik sa bundok. Hindi tumugot ang mga Kastila hanggang hindi nalalansag ang hukbo ni Francisco Dagohoy. Wala silang laban sa mga armas at mga sandata ng mga dayuhan. Noong ika-31 ng Agosto 1829, napasuko ng mga Kastila ang hukbo ni Francisco Dagohoy.

Maraming manghihimagsik ang namatay sa paglaban sa mga Kastila. Alam nilang nagapi sila ng mga Kastila ngunit ibinigay nila ang kanilang buong lakas at buhay upang makalaya sa pagmamalabis ng mga Kastila. Dahil dito si Francisco Dagohoy at ang kanyang mga tauhan ay kinilala bilang mga bayani ng bansa. Ang buong bansa ay nagpupugay sa mga taong ito na hindi nangiming magbuwis ng buhay alang-alang sa kalayaan ng bayan.

Dagohoy

*Isang kwentong pambata tungkol sa buhay ng isang bayani*

]]>
https://thephilippineliterature.com/angkwentongbayaningsifranciscodagohoy/feed/ 0
Awit sa Isang Bangkay https://thephilippineliterature.com/awit-sa-isang-bangkay/ https://thephilippineliterature.com/awit-sa-isang-bangkay/#respond Mon, 18 Aug 2014 03:28:45 +0000 https://thephilippineliterature.com/?p=1044 Isang Elehiya

Ni Buenvinido A. Ramos

Ngayong hatinggabi’y nais kong awitin
Ang ayaw marinig ng aking Diwata;
Awit na kaiba may bagong pagtingin.
May dugo ng buhay may tamis ng luha
Awit na hinabi ng buwang may silim.
(isinumpang awit ng mga Bathala)

Anila, ang awit ay ang kagandahan
Na nakaayubo sa ating paligid
Mabituing langit, bagwis ng amihan
Maingay na lunsod, at payapang bukid
( di iyan ang awit na ngayon ay alay..
iya’y dati na’t mga lumang himig)

Ang awit kong ito’y pipit walong nota
At dalit sa labi ng mga pulubi
Kalan ay nasagpang ng mga buwitre
Aninong madapa sa mga bangketa
Sa gabing ang buwa’y ni ayaw ngumisi.

Notang sa silabato’y nagbinhi ng takot
At gintong makuyom sa bantay-salakay
Sa bawat lansanga’y uwak na magtanod
Laganap ang salot sa hulo’t luwasan
(sino ang pipigil kung ito ay agos,
kung pati ang puno’y yagit na lamang?)

Inihimig pang pangako ring wasak
Sa binging pandinig ng mga naburol
Agunyas man ito’y makaaagnas
Sa pusong nagmoog sa daya at lason..
( may bunyi ang awit ng palayong uwak
pagkat naging uwak ang lahat ng ibon).

Di para sa iyo ang awit kong ito
(Naririnig mo ba ang poos kong tinig?)
Ang inaawit ko’t para sa supling mo
Kung magsusupling ka sa boog mong hasik..
Ngayong hatinggabi ay aawitin ko
Ang kamatayan mong di mababagong-binhi.

]]>
https://thephilippineliterature.com/awit-sa-isang-bangkay/feed/ 0
Mga Tula para sa Sabayang Pagbigkas https://thephilippineliterature.com/mga-tula-para-sa-sabayang-pagbigkas/ https://thephilippineliterature.com/mga-tula-para-sa-sabayang-pagbigkas/#respond Wed, 06 Aug 2014 02:56:03 +0000 https://thephilippineliterature.com/?p=1041 Ayon kay Abad (1996), ang Sabayang Pagbigkas ay isang kawili-wiling pamaraan ng pagpapahalaga sa panitikan sa pamamagitan ng pagsanib-sanib ng mga tinig ng koro ayon sa wasto nilang tunog, puwersa at lakas.

Katangian ng isang Mahusay na Piyesa

1. May sapat na katanyagan; may pagpapahalaga at kamalayang panlipunan at kasaysayan.
2. Nagtuturo ng kahalagahang moral at nagdudulot ng inspirasyon.
3. Nagbibigay ng pag-asa sa buhay, ng kabutihan at kamaharlikahan ng pangkatauhan ng wika at kabanalan. Iwasan ang piyesang nagpapakita ng kabangisan, ng kahayupan, ng pagmamalupit at ng di-makatao.
4. Lumilinang sa paniniwala ng kagandahan ng ating bayan na ang ating uri ng pamumuhay ay may tatak ng pagkamaginoo at katapangan, na tayong mga Pilipino ay may mataas at matatag na adhikaing bumuo at tumuklas ng kanyang sariling patutunguhang bukas.

Mga Mungkahing Tula na Maaring Gamitin sa Sabayang Pagbigkas:

]]>
https://thephilippineliterature.com/mga-tula-para-sa-sabayang-pagbigkas/feed/ 0
KUNG TUYO NA ANG LUHA MO, AKING BAYAN https://thephilippineliterature.com/kung-tuyo-na-ang-luha-mo-aking-bayan/ https://thephilippineliterature.com/kung-tuyo-na-ang-luha-mo-aking-bayan/#respond Wed, 06 Aug 2014 02:40:27 +0000 https://thephilippineliterature.com/?p=1038 Amado V. Hernandez

bulwaganblog-bayan-ko-image
Lumuha ka, aking Bayan; buong lungkot mong iluha
Ang kawawang kapalaran ng lupain mong kawawa:
Ang bandilang sagisag mo?y lukob ng dayong bandila,
Pati wikang minana mo?y busabos ng ibang wika,
Ganito ring araw nang agawan ka ng laya,
Labintatlo ng Agosto nang saklutin ang Maynila,

Lumuha ka, habang sila ay palalong nagdiriwang,
Sa libingan ng maliit, ang malaki?y may libingan;
Katulad mo ay si Huli, naaliping bayad-utang,
Katulad mo ay si Sisa, binaliw ng kahirapan;
Walang lakas na magtanggol, walang tapang na lumaban,
Tumataghoy, kung paslangin; tumatangis, kung nakawan!

Iluha mo ang sambuntong kasawiang nagtalakop
Na sa iyo?y pampahirap, sa banyaga?y pampalusog:
Ang lahat mong kayamana?y kamal-kamal na naubos,
Ang lahat mong kalayaa?y sabay-sabay na natapos;
Masdan mo ang iyong lupa, dayong hukbo?y nakatanod,
Masdan mo ang iyong dagat, dayong bapor, nasa laot!

Lumuha ka kung sa puso ay nagmaliw na ang layon,
Kung ang araw sa langit mo ay lagi nang dapithapon,
Kung ang alon sa dagat mo ay ayaw nang magdaluyong,
Kung ang bulkan sa dibdib mo ay hindi man umuungol,
Kung wala nang maglalamay sa gabi ng pagbabangon,
Lumuha ka nang lumuha?t ang laya mo?y nakaburol.

May araw ding ang luha mo?y masasaid, matutuyo,
May araw ding di na luha sa mata mong namumugto
Ang dadaloy, kundi apoy, at apoy na kulay dugo,
Samantalang ang dugo mo ay aserong kumukulo;
Sisigaw kang buong giting sa liyab ng libong sulo
At ang lumang tanikala?y lalagutin mo ng punglo

]]>
https://thephilippineliterature.com/kung-tuyo-na-ang-luha-mo-aking-bayan/feed/ 0
SABAYANG PAGBIGKAS https://thephilippineliterature.com/sabayang-pagbigkas/ https://thephilippineliterature.com/sabayang-pagbigkas/#respond Wed, 06 Aug 2014 02:37:20 +0000 https://thephilippineliterature.com/?p=1035 buwan ng wika 2014
Wikang Filipino… Sagisag ng Pagka-Pilipino
Ni Ernest Genesis Mercado Guevara

Tagalungsod, tagalalawigan,ang iba’y nagbalikbayan
Isang lahing kinamulatan, sa isang bansa isinilang,
May sariling wika na sa puso at isipa’y nakapunla
Liping hindi ikahihiya dahil sa Pilipinas tayo nagmula.

Wikang Filipino,hatid sa madla’y karunungan
Sumasalamin sa kalinangan at damdaming makabayan,
Tulay na nag-uugnay sa pagpapahayag ng kaisipan
Nagsisilbing kawing tugon sa pag-uunawaan.

Wika’y pundasyon sa karunungang pantao
Tagapaghatid ng kaalaman at katangian ng Pilipino,
Mahalaga sa usapan at pangangatwirang totoo
Marapat na pahalagahan para sa kaunlaran at pagbabago

Matagal ng usapin pagpapaunlad sa wika ng bayan
Dahil lubos na niyakap,wikang nagmula sa dayuhan,
Dayuhang dumusta, ginulo ang isipan
Kaya ng tayo’y lumaya, nawala sariling pagkakakilanlan.

Sa ganitong kalagayan, dalubwika may mithiin
Masusing pinag-aaralan pag-unlad ng wika natin
Para matutunton ang kaganapan ng lahat ng naisin
Ang mapayabong pa ang lahat ng mga wikain.

Upang matugunan ang suliranin ng sambayanan
Wikang magbibigkis, siya nating kailangan
Kung wikang Filipino ang gagamitin sa araw-araw
Tiyak itong epektibo , mga gawa’y makabuluhan.

Wika nati’y yayabong kung tatanggapin ang pagbabago
Na gamitin ang diyalekto at salitang hiram sa kausap mo,
May batas na nagpapahintulot na pag-aralan ang mga ito
Huwag lang kalilimutan ang wika nati’y Filipino.

Sagana ang Pilipinas sa mga katutubong wikain
Iba-iba ang bigkas at diin ngunit ito’y Filipino pa rin,
Saanman dako ng bansa malaya nating gamitin
Ilokano, Sambal, Ivatan, Ifugao na sariling atin

Kilos na kababayan, wika natin ipagmalaki
Ito na ang panahon ng ating pagbubunyi.
Ngayon ay buwan ng mga wikang tatak ng ating lahi.
Wikang Filipino… wika ng liping kayumanggi.

]]>
https://thephilippineliterature.com/sabayang-pagbigkas/feed/ 0
Pamana ng Lahi https://thephilippineliterature.com/pamana-ng-lahi/ https://thephilippineliterature.com/pamana-ng-lahi/#respond Wed, 06 Aug 2014 02:33:35 +0000 https://thephilippineliterature.com/?p=1033 ni Patrocinio V. Villafuerte
(Sabayang Pagbigkas)

Di mo man sabihin, aking nababatid,
Ikaw’y naglalakbay sa Bagong Daigdig;
Paraisong dati’y hinanap, inibig,
Alaala na lang na di magbabalik

Sabay sa pagsikat ng Bagong Umaga,
Naglaho nang ganap ang pangungulila;
Hungkag na buhay mo’y mabigyan ng pag-asa,
Ang Bagong Lipunan, may handog na ligaya.

Ngunit ang lipuna’y hindi nagwawakas,
Sa mga pangako at mga pangarap;
Damdaming dakila at diwang matalas,
Siyang magbubukas sa malayang pugad.

Pag-unlad ng bansa’y may hatid-pangako,
Na ang kalinanga’y dapat na mabuo;
Kulturang pambansa’y di dapat isuko,
Hayaang magbunga’t mabusog sa puso.

Ngunit tila yata nalilimutan mo,
Mga kaugaliang buhay-Pilipino,
Ang lahat ng ito ay pagyamanin mo,
Ay nasyonalismo’y mapapasaiyo.

Ang pagkakaisa’y pagbabayanihan,
Nag-usbong sa diwa’t lahing makabayan,
Kung sasariwain at pagbabalikan,
Ang pagkakabuklod ay masisilayan.

Sa pistang-bayan masasaksihan mo,
May perya’t pabitin saka palo-sebo,
At ang santakrusan ay pinagdarayo.

Sa mga tahana’t pook na dakila,
Ang tanging biyaya’y moral na adhika;
Payo ng magulang ay banal na wika,
Sa mabuting anak ay buhay na nasa.

Ang lahat ng ito’y pamana ng lahi,
Gabay nitong bansa’t dangal nitong lipi;
Kaya’t magsikap ka, tuwa’y magbibinhi,
Ikaw’y Pilipinong dapat na maghari.

]]>
https://thephilippineliterature.com/pamana-ng-lahi/feed/ 0
Isang Dipang Langit https://thephilippineliterature.com/isang-dipang-langit/ https://thephilippineliterature.com/isang-dipang-langit/#respond Wed, 06 Aug 2014 01:41:25 +0000 https://thephilippineliterature.com/?p=1025 ni Amado V. Hernandez
(Bartolina ng Muntinlupa – Abril 22, 1952)

Isang Dipang Langit

Isang Dipang Langit


Ako’y ipiniit ng linsil na puno
hangad palibhasang diwa ko’y piitin,
katawang marupok, aniya’y pagsuko,
damdami’y supil na’t mithiin ay supil.

Ikinulong ako sa kutang malupit:
bato, bakal, punlo, balasik ng bantay;
lubos na tiwalag sa buong daigdig
at inaring kahit buhay man ay patay.

Sa munting dungawan, tanging abot-malas
ay sandipang langit na puno ng luha,
maramot na birang ng pusong may sugat,
watawat ng aking pagkapariwara.

Sintalim ng kidlat ang mata ng tanod,
sa pintong may susi’t walang makalapit;
sigaw ng bilanggo sa katabing moog,
anaki’y atungal ng hayop sa yungib.

Ang maghapo’y tila isang tanikala
na kala-kaladkad ng paang madugo
ang buong magdamag ay kulambong luksa
ng kabaong waring lungga ng bilanggo.

Kung minsa’y magdaan ang payak na yabag,
kawil ng kadena ang kumakalanding;
sa maputlang araw saglit ibibilad,
sanlibong aninong iniluwa ng dilim.

Kung minsan, ang gabi’y biglang magulantang
sa hudyat – may takas! – at asod ng punlo;
kung minsa’y tumangis ang lumang batingaw,
sa bitayang moog, may naghihingalo.

At ito ang tanging daigdig ko ngayon –
bilangguang mandi’y libingan ng buhay;
sampu, dalawampu, at lahat ng taon
ng buong buhay ko’y dito mapipigtal.

Nguni’t yaring diwa’y walang takot-hirap
at batis pa rin itong aking puso:
piita’y bahagi ng pakikilamas,
mapiit ay tanda ng di pagsuko.

Ang tao’t Bathala ay di natutulog
at di habang araw ang api ay api,
tanang paniniil ay may pagtutuos,
habang may Bastilya’y may bayang gaganti.

At bukas, diyan din, aking matatanaw
sa sandipang langit na wala nang luha,
sisikat ang gintong araw ng tagumpay…
layang sasalubong ako sa paglaya!

]]>
https://thephilippineliterature.com/isang-dipang-langit/feed/ 0
Walang Sugat ni Severino Reyes https://thephilippineliterature.com/walang-sugat-ni-severino-reyes/ https://thephilippineliterature.com/walang-sugat-ni-severino-reyes/#respond Mon, 14 Jul 2014 03:01:20 +0000 https://thephilippineliterature.com/?p=1017 WALANG SUGAT
(Ni Severino Reyes)

Walang Sugat-39-Mabuhay-LSalcedo-sf

Walang Sugat (Tanghalang Ateneo)
UNANG BAHAGI

I TAGPO
(Tanaggapan ng bahay ni Julia. Si Julia at ang mga bordador Musika)

Koro : Ang karayom kung iduro
Ang daliri’y natitibo,
Kapag namali ng duro
Burda nama’y lumiliko

Julia : Anong dikit, anong inam
Ng panyong binuburdahan,
Tatlong letrang nag-agapay
Na kay Tenyong na pangalan.

Koro : Ang karayom kung itirik
tumutimo hanggang dibdib.

Julia : Piyesta niya’y kung sumipot
Pannyong ito’y iaabot,
Kalakip ang puso’t loob,
Ng kaniyang tunay na lingkod.

Si Tenyong ay mabibighani
Sa dikit ng pagkagawa
Mga kulay na sutla,
Asul, puti at pula.

Panyo’t dito ka sa dibdib,
Sabihin sa aking ibig
Na ako’y nagpapahatid
Isang matunog na halik.

Koro : Ang karayom kung iduro
Ang daliri’y natitibo.
Hoy tingnan ninyo si Julia
Pati panyo’y sinisinta,
Kapag panyo ng ibig
Tinatapos ng pilit
Nang huwag daw mapulaan
Ng binatang pagbibigyan:
Ang panyo pa’y sasamahan
Ng mainam na pagmamahal.

At ang magandang pag-ibig
Kapag namugad sa dibdib
Nalilimutan ang sakit
Tuwa ang gumugiit.

Mga irog natin naman
Sila’y pawang paghandugan
Mga panyong mainam
Iburda ang kanilang pangalan.

Julia : Piyesta niya’y kung sumipot
Panyong ito’y iaabot
Kalakip ang puso’t loob
Ng kaniyang tunay na lingkod.

Koro : Nang huwag daw mapulaan
Ng binatang pagbibigyan
Ang panyo pa’y sasamahan
Ng mainam na pagmamahal.

Salitain

Julia : Ligpitin na ninyo ang mga bastidor at kayo’y mangagsayaw na.

(Papasok ang magkasisikanta). (Lalabas si Tenyong).

II TAGPO

(Tenyong at Julia…)

Tenyong: Julia, tingnan ko ang binuburdahan mo…
Julia : Huwag na Tenyong, huwag mo nang tingnan, masama ang pagkakayari, nakakahiya.
Tenyong: Isang silip lamang, hindi ko na hihipuin, ganoon lang?… ay…
Julia : Sa ibang araw, pagkatapos na, oo, ipakikita ko sa iyo.
Tenyong: (Tangan si Julia sa kamay) Ang daliri bang ito na
Hubog kandila, na anaki’y nilalik na maputing garing,
Ay may yayariin kayang hindi mainam? Hala na, tingnan ko lamang.

Julia : Huwag mo na akong tuyain, pangit nga ang mga daliri ko.
Tenyong: (Nagtatampo) Ay!…
Julia : Bakit Tenyong, napagod ka ba? (Hindi sasagot). Masama ka palang mapagod.
Tenyong: Masakit sa iyo!
Julia : (Sarili) Nagalit tuloy! Tenyong, Tenyong…(sarili) Nalulunod pala ito sa isang tabong tubig!
Tenyong: Ay!

Julia : (Sarili) Anong lalim ng buntung hininga! (Biglang ihahagis ni Julia ang bastidor). (Sarili) Lalo ko pang pagagalitin.
Tenyong: Pupulutin ang bastidor at dala). Julia, Julia ko. (Luluhod) Patawarin mo ako; Hindi na ako nagagalit…
Julia : Masakit sa aking magalit ka at hindi. Laking bagay!
Tenyong: Lumalaganap sa dibdib ko ang masaganang tuwa, narito at nakikita ko na minarapat mong ilimbag sa panyong ito ang pangalan ko.

Julia : Hindi ah, nagkakamali ka, hindi ukol sa iyo ang panyong iyan…
Tenyong: Sinungaling! At kaninong pangalan ito? A. Antonio; N. Narciso, at F. ay Flores.
Julia : Namamali ka, hindi mo pangalan iyan.
Tenyong: Hindi pala akin at kanino nga?

Julia : Sa among! Iya’y iaalay ko sa kanya ngayong kaarawan ng pasko.

Tenyong: Kung sa among man o sa demonyo, bakit ang letra’y A, N, at F?

Julia : Oo nga sapagkat ang A, ay Among, ang N, Natin at ang F ay Frayle.

Tenyong: Among Nating Frayle, laking kaalipustaan! Huwag mo akong aglahiin nang tungkol sa mga taong iyan at madaling magpanting ang tainga ko.

Julia : Nakaganti na ako! (Dudukutin ni Tenyong sa kanyang bulsa ang posporo at magkikiskis maraming butil at nag nag-aalab na magsasalita).

Tenyong: Julia, magsabi ka ng katotohanan, para sa kura nga ba? Kapag hindi ko sinilaban, ay … sinungaling ako… mangusap ka. Susulsulan ko na? (Anyo nang sisilaban).

Musika No. 2

Julia : Huwag mong silaban ang tunay mong pangalan.

Tenyong: Sa pagkakasabi mong sa kurang sukaban nagising ang galit at di mapigilan.

Julia : Hindi maghahandog sa lahi ni Satan, ang panyong iyan ay talagang iyo, sampu ng nagburdang si Juliang iniirog mo.

Tenyong: Salamat, salamat, Juliang poon ko.

Julia : Oh, Tenyong ng puso, Oh, Tenyong ng buhay ko.

Tenyong: Pag-iibigan ta’y kahimanawari lumawig na tunay at di mapawi paglingap mo sa akin kusang mamalagi huwag malimutan sa tuwi-tuwi…

Tenyong: Julia ko’y tuparin adhikain natin.

Julia : Tayo’y dumulog sa paa ng altar.

Tenyong: Asahan mo.

Sabay: Di mumunting tuwa dito’y dumadalaw, ano pa’t wari di na mamamatay sa piling mo oh! (Tenyong) niyaring buhay (Julia) maalaalang may kabilang buhay… (Lalabas si Juana).

III TAGPO

(Tenyong, Julia, at Juana mamaya’y Lukas)
Salitain

Juana : Julia, Julia, saan mo inilagay ang baro kong makato? (Nagulat si Julia at si Tenyong)
(Lalabas si Lukas)

Lukas : Mamang Tenyong, Mamang Tenyong…!

Tenyong: Napaano ka, Lukas?

Lukas : Dinakip pa ang Tatang mo ng Boluntaryo ng Santa Maria.

Tenyong: Diyata dinakip si Tatang?

Lukas : Opo.

Tenyong: Saan kaya dinala?

Lukas : Sa Bulakan daw po dadalhin.

Tenyong: Tiya, ako po paparoon muna’t susundan si Tatang.

Juana : Hintay ka sandali at kami’y sasama. Julia, magtapis ka… (Magsisipasok sina Juana, Julia, at Lukas).

Tenyong: Oh, mundong sinungaling! Sa bawat sandaling ligayang tinatamo ng dibdib, ay tinutunungan kapagdaka ng matinding dusa! Magdaraya ka! Ang tuwang idinudulot mo sa amin ay maitutulad sa bango sa bulaklak, na sa sandaling oras ay kusang lumilipas.

(Telong Maikli)
Kalye

IV TAGPO
(Musika)
Koro at Lukas

Lukas : Tayo na’t ating dalawin mga tagarito sa atin.

Koro : Dalhan sila ng makakain at bihisan ay gayundin.

Isang Babae: Naubos na ang lalaki.

Lahat ng Babae: Lahat na’y hinuhuli mga babae kami.

Lukas : Marami pang lalaki.

Lahat ng Lalaki: Huwag malumbay…kami nasasa bahay at nakahandang tunay, laan sa lahat ng bagay…

Lahat ng Babae: (Sasalitain) Mga lalaking walang damdam, kaming mga babae’y pabayaan, di namin kayo kailangan.

Isang Lalaki: Makikita ko si Tatang.

Isang Lalaki: Kaka ko’y gayundin naman.

Isang Babae: Asawa’y paroroonan.

Isang Babae: Anak ko’y nang matingnan.

Lahat: Tayo na’t sumakay sa tren bumili pa ng bibilhin at sa kanila’y dalhin masarap na pagkain.

Mga Babae: Tayo na, tayo na.

Lahat: Sumakay na sa tren.

Mga Lalaki: Doon sa estasyon.

Lahat: Ating hihintuin. (Papasok lahat)
(Itataas ang telong maikli)

V TAGPO

(Bilangguan sa Bulakan, patyo ng Gobyerno, maraming mga bilanggong nakatali sa mga rehas).

Salitain

Relihiyoso1.0: Ah, si Kapitan Luis! Ito tagaroon sa amin; maraming tao ito…

Marcelo: Mason po yata, among?

Relihiyoso 1.0: Kung hindi man mason, marahil filibustero, sapagka’t kung siya sumulat maraming K, cabayo K.

Marcelo: Hindi po ako kabayo, among!

Relihiyoso 1.0: Hindi ko sinasabing kabayo ikaw, kundi, kung isulat niya ang kabayo may K, na lahat ng C pinapalitan ng K. Masamang tao iyan, mabuti mamatay siya.

Relihiyoso 2.0: Marcelo, si Kapitan Piton, si Kapitan Miguel, at ang Juez de Paz, ay daragdagan ng rasyon.

Marcelo: Hindi sila makakain eh!

Relihiyoso 1.0: Hindi man ang rasyon ang sinasabi ko sa iyo na dagdagan, ay ang pagkain, hindi, ano sa akin kundi sila kumain? Mabuti nga mamatay silang lahat. Ang rasyon na sinasabi ko sa iyo ay ang palo, maraming palo ang kailangan.

Marcelo: Opo, among, hirap na po ang mga katawan nila at nakaaawa po namang magsidaing; isang linggo na pong paluan ito, at isang linggo po namang walang tulog sila!

Relihiyoso 2.0: Loko ito! Anong awa-awa? Nayon wala awa-awa, duro que duro-awa-awa? Ilan kaban an rasyon? Ang rasyon nan palo, ha!

Marcelo: Dati po’y tatlong kaban at maikatlo sa isang araw na tinutuluyan, ngayon po’y lima ng kaban, at makalima po isang araw.

Relihiyoso 2.0: Samakatuwid ay limang bese 25, at makalimang 125, ay Huston 526 (binibilang sa daliri). Kakaunti pa! (bibigyan si Marcelo ng kuwalta at tabako).

Marcelo: Salamat po, among!

Relihiyoso 1.0: Kahapon ilan ang namatay?

Marcelo: Wala po sana, datapwa’t nang mag-uumaga po ay pito lamang.

Relihiyoso1.0: Bakit ganoon? (gulat)

Marcelo: Dahil po, ay si Kapitan Inggo ay pingsaulan ng hininga.

Relihiyoso 1.0; Si Kapitan Inggo pinagsaulan ng hininga! Narito si Kapitana Putin, at ibig daw makita si Kapitan Inggo na asawa niya. Kung ganoon ay hindi mamamatay si Kapitan Inggo.

Marcelo: Mamamatay pong walang pagsala: wala na pong laman ang dalawang pigi sa kapapalo, at ang dalawang braso po’y litaw na ang mga buto, nagigit sa pagkakagapos.

Relihiyoso 1.0: May buhay-pusa si Kapitan Inggo! Saan naroroon ngayon?

Marcelo: Nariyan po sa kabilang silid, at tinutuluyan uli ng limang kaban.

Relihiyoso 1.0: Mabuti, mabuti, Marcelo huwag mong kalilimutan, na si Kapitan Inggo ay araw-araw papaluin at ibibilad at buhusan ng tubig ang ilong, at huwag bibigyan ng mabuting tulugan, ha?

Marcelo: Opo, among
(Sa mga kasama niya) Companeros, habeis traido el dinero para el Gobernador?

Relihiyoso 2,3,4: Si, si, hemos traido.

Relihiyoso 1.0: Marcelo, dalhin dito si Kapitan Inggo.

Marcelo: Hindi po makalakad, eh!

Relihiyoso 1.0: Dalhin dito pati ang papag.
Relihiyoso 2.0: Tonto.

Tadeo : Bakit ka mumurahin?

Juana : Kumusta po naman kayo, among?

P. Teban: Masama, Juana, talaga yatang itong pagkabuhay namin ay lagi na lamang sa hirap, noong araw kami ay walang inaasahan kundi kaunting sweldo dahil sa kami’y alipin ng mga prayle; ngayon nga, kung sa bagay ay kami na ang namamahala, wala naman kaming kinikita; wala nang pamisa, mga patay at hindi na dinadapit; ngayon napaglirip na ang mga kabanalang ginawa ng mga tao noong araw ay pawang pakunwari at pakitang-tao lamang alinsunod sa malaking takot sa mga prayle.

Juana : Totoo po ba ang sabi mo.

P.Teban: Kaya, Juana, di-malayong kaming mga lklerigo ay mauwi sa pagsasaka, tantuin niyong kaming mga pari ay hindi mabubuhay sa panay na hangin.

Juana : Bakit dami mo pong mga pinakaing mga pamangking dalaga?

P. Teban: Siya nga, ulilang inaampon ko.

Miguel: Ay! Aling Julia… ay… ma… ma… malapit na po…

Julia : Alin po ang malapit na?

Miguel: Ang… ang… ang…

Julia : (Sarili) Ano kaya ang ibig sabihin nito?

Tadeo : Miguel, tayo na’t nagkayari na kami ng kaniyang ina.

Miguel: Ay… salamat (tuwang-tuwa.)

Julia : (Sarili) Ipinagkayari na pala ako ni Inang?

Tadeo : Ano ba ang sinabi mo?

Miguel : Sinabi ko pong … ay Julia! Ay! Aling Julia! Ay, Julia ko!

Tadeo : Wala ka nang nasabi kundi pulos na “ay”? Hindi ka nagpahayag ng pagsinta mo?

Miguel : Sinabi ko pong malapit na…

Tadeo : Malapit na ang alin?

Miguel : Itinatanong nga po sa akin kung alin ang malapit na eh, hindi ko po nasagutan…

Tadeo: Napakadungo ka! Ay Ige, tayo na’t baka ka pa mahalata…

Relihiyoso 1.0: Kapitana Putin, mana dalaw, parito kayo.
(Magsisilabas ang mga dalaw).

VI TAGPO

(Mga Relihiyoso, Putin, Juana, Julia, Tenyong, at mga dalaw, babae at lalaki).

Salitain

Relihiyoso 1.0: Kapitana Putin, ngayon makikita ma na angbtao mo, dadalhin dito, at sinabi ko sa Alkalde na huwag nang paluin, huwag nang ibibilad at ipinagbilin ko na bibigyan na ng mabuting tulugan…

Putin : Salamat po, among.

Relihiyoso 1.0: Kami ay aakyat muna sandali sa Gobernador, at sasabihin namin na pawalan, lahat ang mga bilanggo, kaawa-awa naman sila.

Putin : Opo, among, mano na nga po… Salamat po, among.
(Magsisihalik ng kamay, si Tenyong ay hindi at ang mga ibang lalaki).

Relihiyoso 1.0: (Sa mga kasama) Despues de ver el Gobernador.. a Manila, cogemeros el tren la Estacion de Guiguinto, es necesario deciral General que empiece ya a fusilar a los ricos e ilustrados de la provincia, porque esto va mal.

Relihiyoso 2.0: Ya lo creo que va mal.

Los 3 : Si, si a fusilar, a fusilar.
(Papasok ang mga pare).

VIITAGPO

(Sila rin, wala na lamang ang mga relihiyoso)

Salitain

Putin : Tenyong, kaysama mong bata, bakit ka hindi humalik ng kamay sa among?

Tenyong: Inang, ang mga kamay pong… namamatay ng kapwa ay hindi dapat hagkan, huwag pong maniniwalang sasabihin niya sa Gobernador na si Tatang ay pawalan, bagkus pa ngang ipagbibiling patayin na ngang tuluyan. (Sarili) Kung nababatid lamang ng mga ito ang pinag-usapan ng apat na lilo! Nakalulunos ang kamngmangan!
(Ipapasok si Kapitang Inggo na nakadapa sa isang papag na makitid).

Putin : Inggo ko!

Tenyong: Tatang!

Julia : Kaawa-awa naman!

Tenyong: Mahabaging Langit!

Musika

Tenyong: Ang dalawang braso’y gitgit na ang laman, naglabas ang mga buto sa mga tinalian, lipos na ang sugat ang buong katawan, nakahahambal! Ay! Ang anyo ni Amang! Ang lahat ng ito’y gawa ng pari na sa Pilipinas siyang naghahari lalang ni Lucifer sa demonyong lahi kay Satang malupit nakikiugali… Ah, kapag ka namatay oh, ama kong ibig, asahan mo po at igaganting pilit kahit na ano ang aking masapit, sa ulo ng prayle isa sa kikitil.

Salitain

Tenyong: Tatang, ikaw po’y ititihaya ko nang hindi mangalay…

Inggo : Huwag na … anak ko… hindi na maaari… luray luray na ang katawan… Tayo’y maghihiwalay na walang pagsala! Bunso ko, huwag mong pababayaan ang Inang mo!
Putin, ay Putin … Juana-Julia.. kayo na lamang ang inaasahan kong kakalinga sa kanila… Ang kaluluwa ko’y inihain ko na kay Bathala.

Tenyong: Diyos na may kapangyarihan! Ano’t inyong ipinagkaloob ang ganitong hirap? (Dito lamang ang pasok ng kantang “Ang dalawang braso’y…)

Musika No.2

Tenyong: Ang dalawang braso’y gitgit na ang laman, naglabas ang buto sa mga tinalian, lipos na ng sugat ang buong katawan, nakahahambal, ay! Ang anyo ni Amang! Ang lahat ng ito’y gawa ng pari na sa Pilipinas siyang naghahari, lalang ni Lucifer sa demonyong lahi kay satang malupit nakikiugali. Ah! Kapag namatay ka, oh, ama kong ibig, asahan mo po’t igaganting pilit kahit na ano ang aking masapit sa ulo ng prayle, isa sa kikitil.

Julia : Taya ng loob ko at binabanta-banta mga taong iya’y tadtarin man yata lahat ng niyang laman, buto samapung taba, di makababayadsa utang na madla.

(Mga Babae at Lalaki)

Di na kinahabagan kahit kaunti man, pariseos ay daig sa magpahirap.

Tenyong: Oo’t di matingnan puso ko’y sinusubhan sa ginawa kay Amang ng mga taong hunghan… ang awa’y nilimot sa kalupitan…

Lalaki’t Babae: Wari mukha nang bangkay…

Tenyong: Inang, masdan mo po… at masama ang lagay ni Tatang, Inang, tingnan mo’t naghihingalo… Tatang, Tatang…

Putin : Inggo ko… Inggo…

Tenyong: Patay na!

(Mangagsisihagulgol ng iyak)
Telong Maikli

VIII TAGPO

(Sila ring lahat, wala lamang si Kapitang Inggo, ang Alkalde, at mga bilanggong nangakagapos).
Salitain

Putin : Tenyong, hindi yata ako makasasapit sa atin! Julia, nangangatal ang buong katawan ko! Nagsisikip ang aking dibdib! Ang sakit ay taos hanggang likod! Ay, Tenyong, hindi ako makahinga! Ang puso ko’y parang pinipitpit sa palihang bakal!
(Si Putin ay mapapahandusay).

Tenyong: Langit na mataas!
(Papasok lahat)

IX TAGPO
(Tenyong at mga kasamang lalaki, mamaya’y si Julia).
Salitain

Tenyong: Mga kasama, magsikuha ng gulok, at ang may rebolber ay dalhi.

Isa : Ako’y mayroong iniingatan.

Isa pa : Ako ma’y mayroon din.

Tenyong: Tayo na sa estasyon ng Guiguinto.

Isa : Nalalaman mo bang sila’y mangasisilulan?

Tenyong: Oo, walang pagsala, narinig ko ang salitaan nila, at nabatid ko tuloy na sasabihin daw nila sa Heneral na tayo’y pagbabarilin na.

Isa : Mga tampalasan.

Isa pa : Walang patawad!
(Nang mangagsiayon, si Tenyong ay nakahuli sa paglakad, sa lalabas si Julia).

Julia : Tenyong, Tenyong!

Tenyong: Julia!

Julia : Diyata’t matitiis, na Ina’y lisanin mo sa kahapis-hapis na anyo? Di ba nalalaman mong sa kaniya’y walang ibang makaaaliw kundi ikaw, at sa may dandam niyang puso, ay walang lunas kundi ikaw na bugtong na anak? Bakit mo siya papanawan?

Tenyong: Julia, tunay ang sinabi mo; datapwa’t sa sarili mong loob, di ba si Inang ay kakalingain mong parang tunay na ina; alang-alang sa paglingap mo sa akin? Sa bagay, na ito, ano ang ipag-aalaala ko?

Julia : Oo nga, Tenyong, ngunit hindi kaila sa iyo na ang maililingap ng isang lalaking kamukha mo ay di maititingin ng isang babaing gaya ko. Tenyong, huwag kang umalis!

Tenyong: Julia, hindi maaari ang ako ay di pasa-parang; ako ay hinihintay ng mga kapatid, Julia, tumutugtog na ang oras ng pananawagan ng naaaping Ina, sa pinto ng nagpaubayang anak; ang Ina natin ay nangangailangan ng tunay nating pagdamay; dito sa dibdib ko’y tumitimo ang nakalulunos niyang himutok, ang nakapanlulumo niyang daing: “May anak ako,” anya, “ngayo’y kapanahunang ako’y ibangon na ninyo sa pagkalugami. Oras na, Julia ko, ng paglagot ng matibay na tanikalang mahigpit sa tatlong daang taong sinasangayad; hindi dapat tulutang… mga iaanak natin ay magising pa sa kalagim-lagim na kaalipin.

Julia : Wala akong maitututol, tanggapin na lamang ang huling tagubilin! (Huhubarin ang garantilyang may medalyita; tangnan at isusuot kay Tenyong ang garantilya.) Ang larawang ito’y aking isasabit sa tapat ng puso’y huwag iwawaglit at sa mga digma, kung siya’y masambit ipagtanggol ka sa mga panganib. Kung saka-sakaling irog ko’y masaktan, pahatid kang agad sa aking kandungan. Ang mga sugat mo’y aking huhugasan ng masaganang luhang sa mata’y nunukal.

Tenyong: Sa Diyos nananalig.

Julia : Puso ko’y dinadalaw ng malaking hapis.

Tenyong: Huwag mamanglaw. Huwag ipagdusa ang aking pagpanaw.

Julia : Mangungulimlim na ang sa matang ilaw.

Tenyong: Ang ulap Julia ko’y di mananatili. Darating na ibig, ang pagluluwalhati.

Julia : Tenyong na poon ko’y kahimanawari. Magliwayway uli’t dilim ay mapawi.

Tenyong: Huwag nang matakot, huwag nang mangamba. Ako’t tutupad lang ng aking panata sa pakikianib sa mga kasama. Aming tutubusin, naaliping Ina. Ikaw irog ko’y aking itatago sa loob ng dibdib, sa tabi ng puso. Nnag hindi malubos ang pagkasiphayo sa mga sakuna, ikaw’y kalaguyo. (Titigil) Yayao na ako!

Julia : Ako’y lilisanin? Balot yaring puso ng matinding lumbay, bumalik ka agad nang di ikamatay.

Tenyong: Juliang aking sinta!

Julia : Oh, Tenyong ng buhay!

Tenyong: (Anyong aalis) (Sarili) Kaawa-awa! (Tuluyang aalis).

Julia : (Biglang lilingon) Te…! Yumao na! (papasok)

X TAGPO

(Tugtuging nagpapakilala ng damdamin. Pagdating ng bahaging masaya ay maririnig ang sigawan sa loob. Mga prayle at mga kasama ni Tenyong at si Tenyong.)

Sa loob.

Mga lahi ni Lucifer! Magsisi na kayo’t oras na ninyo! Ikaw ang pumatay sa ama ko – Perdon! Walang utang-na-di pinagbabayaran! (Hagara at mapapatay ang mga prayle, isa ang mabibitin na sasama sa tren).

Telon

Wakas ng Unang Bahagi

Ikalawang Bahagi
I TAGPO
(Bahay ni Julia)
Julia at Juana
Salitain

Juana : Julia, igayak ang loob mo; ngayon ay paparito si Miguel at ang kanyang ama, sila’y pagpapakitaan nang mainam.

Julia : Kung pumarito po sila, ay di kausapin mo po!

Juana : Bakit ba ganyan ang sagot mo?

Julia : Wala po!

Juana : Hindi naman pangit, lipi ng mabubuting tao, bugtong na anak at nakaririwasa, ano pa ang hangarin mo?

Julia : Ako po, Inang ko, ay hindi naghahangad ng mga kabutihang tinuran mo, ang hinahangad ko po ay…

Juana : Ay ano? Duluhan mo, sabihin mo at nang matalastas ko.

Julia : Ang tanggapin pong mahinusay ng puso ko.

Juana : (Natatawa) Julia, ako’y natatawa lamang sa iyo, ikaw ay bata pa nga- anong pusu-pusoang sinasabi mo? Totoo nga’t noong unang dako, kapag may lalaking mangingibig, ay tinatanggap ng mga mata at itinutuloy sa puso, at kung ano ang kaniyang tibok ay siyang sinusunod datapwa’t gayo’y iba na, nagbago nang lahat ang lakad ng panahon, ngayo’y kung may lalaking nangingibig ay tinatanggap ng mga mata at itinutuloy dito (hihipuin ang noo) dito sa isip at di na sa puso; at kung ano ang pasya ng isip ay siyang paiiralin: ang puso sa panahong ito ay hindi na gumaganap ng maganda niyang katungkulan, siya’y nagpapahingalay na…

Julia : Nakasisindak, Inang ko, ang mga pangungusap mo!

Juana : Siyang tunay!

Julia : Ako po’y makasunod sa masamang kalakaran ng panahon, dito po ako makatatakwil sa tapat na udyok ng aking puso.

Juana : Julia, tila wari… may kinalulugdan ka nang iba.

Julia : Wala po!

Juana : Kung wala ay bakit ka sumusuway sa aking iniaalok? Nalaman mo na, ang kagalingan mong sarili ang aking ninananais. Ang wika ko baga, ay bukas-makalawa’y mag-aasawa ka rin lamang… ay kung mapasa-moro, ay mapasa-Kristiyano na!

Julia : Sarili) Moro yata si Tenyong!

II TAGPO
(Julia at Monica)
Salitain

Julia : Monicaaaaaaaaaa, Maonicaaaaaaaaaa.

Monica: (Sa loob) Pooo!

Julia : Halika (Lalabas si Monica)
Pumaroon ka kay Lukas, sabihin mong hinihintay ko siya; madali ka…

Monica: Opo (Papasok).

III TAGPO

(Julia, mamaya’y Miguel, Tadeo, Pari Teban, at Juana)
Musika

Dalit ni Julia

Oh, Tenyong niyaring dibdib,
Diyata’ ako’y natiis
Na hindi mo na sinilip
Sa ganitong pagkahapis.

Ay! Magdumali ka’t daluhan,
Tubusin sa kapanganiban,
Huwag mo akong bayaang
Mapasa ibang kandungan.

Halika, tenyong, halika,
Atbaka di na abutin
Si Julia’yhumihinga pa…
Papanaw, walang pagsala!

At kung patay na abutin
Itong iyong nalimutan
Ang bangkay ay dalhin na lamang
Sa malapit na libingan.

Huling samo, oh Tenyong,
Kung iyo nang maibaon
Sa malungkot na pantiyon,
Dalawain minsan man isang taon.

Salitain

P. Teban: (Pumalakpak)Mabuti ang dalit mo Julia…datapwa’t na pakalumbay lamang…

Julia : (gulat) Patawarin po ninyo at hindi ko nalalamang kayo’y nangagsirating… Kahiya-hiya po.

P. Teban: Hindi. hindi kahiya-hiya, mainam ang dalit mo. Ang Inang mo?

Julia : Nariyan po sa labas: tatawagin ko po. (Papasok).

P. Teban: Magandang bata si Julia, at mukhang lalabas na mabuting asawa… Marunong kang pumili, Miguel.

Tadeo : Ako, among, ang mabuting mamili, si Miguel po’y hindi maalam makiusap. (Lalabas si Juana).

Juana : Aba, narito pala ang among! Mano po, among!

P. Teban: Ah, Juana, ano ang buhay-buhay?

Juana : Mabuti po, among.

Tadeo : (Kay Miguel) Lapitan mo.

Miguel : Baka po ako murahin ah!

]]>
https://thephilippineliterature.com/walang-sugat-ni-severino-reyes/feed/ 0
Pulangi: Ang Ilog na Humubog sa Maraming Henerasyon https://thephilippineliterature.com/pulangi-ang-ilog-na-humubog-sa-maraming-henerasyon/ https://thephilippineliterature.com/pulangi-ang-ilog-na-humubog-sa-maraming-henerasyon/#respond Sat, 05 Jul 2014 12:59:43 +0000 https://thephilippineliterature.com/?p=1013 Pulangi: Ang Ilog na Humubog sa Maraming Henerasyon

Sipi mula sa Regional Profiles: Peoples and Places (Adarna House, 2009)

Hanggang kamakailan lamang ay sa Ilog Pulangi umiinog ang mundo ng mga taga- Gitnang Mindanao. May dalawang pangunahing direksiyon lamang ang Maguindanao: ilod; pababang agos; at laya, pasalungat sa agos.

Itong ilog na tinatawag ring Rio Grande de Mindanao ay tumatawid pababa sa kanlurang bahagi ng Lungsod Cotabato, at pasalungat na sumusuot sa agos–pasilangan, pahilaga, at patimog–sa mga lalawigan ng Maguindanao, Hilagang Cotabato, Sultan Kudarat, Bukidnon, at Agusan. Ang mga lalawigang ito, maliban sa Bukidnon at Agusan, ang bumubuo sa dating binansagang Imperyo ng Lalawigang Cotabato.

Sa loob ng ilang henerasyon, mula sa panahon ng aking lolo sa tuhod hanggang sa noong ako’y bata pa, ay ito ang naging pangunahing rutang pangkalakalan ng rehiyon.

Kahit ang galeon ng Espanyol at Olandes, at maging ang mga bapor ng Britanya, ay naglayag mula sa karagatan patungong Salimbao ng Nuling, ang luklukan ng Sultan ng Maguindanao. Umangkat sila ng maraming kalakal, kabilang na rito ang gutta percha, isang uri ng likido na parang kola, na ginagamit ng mga taga-kanluran bilanginsulator sa mga nakalubog na linya ng telepono sa Atlantiko.

Para sa aming mga bata noong dekada-70, pugad ito ng pagsasaya sa pagligo, pamamangka, paghuli ng ibon at pamimingwit. Kapag tag-araw, isinasama kami ng aking nasirang ama, na isang manlalayag, sa paghahatid ng mga pasahero’t produkto gamit ang mga bangka papunta at pabalik mula sa Lungsod ng Cotabato at sa Datu Piang, ang mga sentro ng kalakalan sa Maguindanao. Minana ito ng aking ama, si H. Muslimin Maulana, mula sa aking lolo, si Datu Timpolok Buisan, ang ama ng aking Inang si Bai Ma’mur Rahma Buisan. Ang mga Bangka’y tinawag na Fresco I, II, III, at ang pang-apat ay ipinangalan sa kapatid kong si Nasser. Hindi lang mga kargamento’t pasahero kundi pati mga guro at mga aklat pampaaralan ang itinatawid ng mga bangka sa buong rehiyon
namin.

Kahit na nagbigay ng trabaho ang industriya ng transportasyon, umusbong din sa Ilog Pulangi ang ilang industriyang masamâ para sa kalikasan. Napakaraming bangka ang humila ng balsa-balsang troso-ipinaaanod sa agos ng ilog hanggang makarating sa bukas na dagat. Ilang punongkahoy na ba ang dumaan sa Ilog Pulangi? Naramdaman lamang ang mga epekto ng labis na pagputol ng mga punongkahoy sa balanseng ekolohiko pagkalipas ng isang henerasyon.

Sa kasalukuyan, hindi na maaring mamangka gaya nang kinawiwilihan ng marami nang ako’y bata. Naghihingalo na ang ilog. Umaapaw na ito dahil sa pagguho ng lupa sa pampang nito, na dulot naman ng patuloy na pagkalbo sa kagubatan. Nakalulungkot isiping hindi na kailanman masasaksihan ng aking henerasyon at ng mga susunod pa ang ganda at ang biyaya ng Ilog Pulangi.

]]>
https://thephilippineliterature.com/pulangi-ang-ilog-na-humubog-sa-maraming-henerasyon/feed/ 0