Dula (Filipino)


Ang dula ay isang uri ng panitikang ang pinakalayunin ay itanghal sa tanghalan. Mauunawaan at matutuhan ng isang manunuri ng panitikan ang ukol sa isang dula sa pamamagitan ng panonood.
Gaya ng ibang panitikan, ang karamihan sa mga dulang itinatanghal ay hango sa totoong buhay maliban na lamang sa iilang dulang likha ng malikhain at malayang kaisipan.

Lahat ng itinatanghal na dula ay naaayon sa isang nakasulat na dula na tinatawag na iskrip. Ang iskrip ng isang dula ay iskrip lamang at hindi dula, sapagkat ang tunay na dula ay yaong pinanonood na sa isang tanghalan na pinaghahandaan at batay sa isang iskrip.

Sangkap ng dula

Tagpuan – panahon at pook kung saan naganap ang mga pangyayaring isinaad sa dula
Tauhan – ang mga kumikilos at nagbibigay-buhay sa dula; sa tauhan umiikot ang mga pangyayari; ang mga tauhan ang bumibigkas ng dayalogo at nagpapadama sa dula
Sulyap sa suliranin – bawat dula ay may suliranin, walang dulang walang suliranin; mawawalan ng saysay ang dula kung wala itong suliranin; maaaring mabatid ito sa simula o kalagitnaan ng dula na nagsasadya sa mga pangyayari; maaaring magkaroon ng higit na isang suliranin ang isang dula
Saglit na kasiglahan – saglit na paglayo o pagtakas ng mga tauhan sa suliraning nararanasan
Tunggalian – ang tunggalian ay maaaring sa pagitan ng mga tauhan, tauhan laban sa kanyang paligid, at tauhan laban sa kanyang sarili; maaaring magkaroon ng higit sa isa o patung-patong na tunggalian ang isang dula
Kasukdulan – climax sa Ingles; dito nasusubok ang katatagan ng tauhan; sa sangkap na ito ng dula tunay na pinakamatindi o pinakamabugso ang damdamin o kaya’y sa pinakakasukdulan ang tunggalian
Kakalasan – ang unti-unting pagtukoy sa kalutasan sa mga suliranin at pag-ayos sa mga tunggalian
Kalutasan – sa sangkap na ito nalulutas, nawawaksi at natatapos ang mga suliranin at tunggalian sa dula; ngunit maaari ring magpakilala ng panibagong mga suliranin at tunggalian sa panig ng mga manonood