Ibong Adarna sa Lumang Ortograpiya


Lumang ortograpiya

Unang bahagi:

photo from http://noriko-blackrose13.deviantart.com/art/Ibong-Adarna-169177573

Virgeng Ináng mariquit
Emperadora sa Langit,
tulungan po yaring isip
matutong macapagsulit.

Sa aua mo po’t, talaga
Vírgeng ualang macapára,
acong hamac na oveja
hulugan nang iyong gracia.

Dila co’i iyóng talasan
pauiin ang cagarilán,
at nang mangyaring maturan
ang munting ipagsasaysay.

At sa tanang nangarito
nalilimping auditorio,
sumandaling dinguin ninyo
ang sasabihing corrido.

Na ang sabi sa historia
nang panahong una-una,
sa mundo’i nabubuhay pa
yaong daquilang monarca.

At ang caniyang esposa
yaong mariquit, na reina,
ang pangala’t bansag niya
ay si doña Valeriana.

Itong hari cong tinuran
si don Fernando ang ngalan
ang caniyang tinubuan
ang Berbaniang caharian.

Ang haring sinabi co na
ay may tatlóng anác sila,
tuturan co’t ibabadyá
nang inyo ngang maquilala.

Si don Pedro ang panganay
na anác nang haring mahal,
at ang icalaua naman
si don Diego ang pangalan.

Ang icatlo’i, si don Juan
ito’i siyang bunsong tunay,
parang Arao na sumilang
sa Berbaniang caharian.

Ito’i, lalong mahal baga
sa capatid na dalaua,
salang malingat sa mata
nang caniyang haring amá.

Para-parang nag-aaral
ang manga anác na mahal,
malaqui ang catouaan
nang hari nilang magulang.

Ay ano’i, nang matuto na
yaong tatlóng anác niya,
ay tinauag capagdaca
nitong daquilang monarca.

Lumapit na capagcuan
ang tatlóng príncipeng mahal,
cordero’i, siyang cabagay
nag-aantay pag-utusan.

Anáng hari ay ganitó
caya co tinauag cayó,
dito sa itatanong co
ay sabihin ang totoó.

Linoob nang Dios Amá
na cayo’i, nangatuto na,
mili cayó sa dalaua
magpare ó magcorona.

Ang sagót nila at saysay
sa hari nilang magulang,
capua ibig magtangan
nang corona’t, cetrong mahal.

Nang itó ay maringig na
nang haring canilang amá,
pinaturuan na sila
na humauac nang espada.

Sa Dios na calooban
sa canilang pag-aaral,
di nalao’i, natutuhan
ang sa armas ay pagtangan.

Ito’i, lisanin co muna
yaong pagcatuto nila,
at ang aquing ipagbadyá
itong daquilang monarca.

Nang isang gabing tahimic
itong hari’i, na-iidlip,
capagdaca’i, nanaguinip
sa hihigán niyang banig.

At ang bungang panaguimpan
nitong hari cong tinuran,
ang anác na si don Juan
pinag lilo at pinatay.

Ang dalauang tampalasang
sa caniya ay pumatáy,
inihulog at iniuan
sa balón na calaliman.

Sa pananaguinip bagá
nitong mahal na monarca,
nagbangon capagcaraca
sa hihigán niyang cama.

At hindi nanga na-idlip
sa malaqui niyang hapis,
sa hirap na masasapit
niyong bunsong ini-ibig.

Ito ang niyang dahilán
nang sa bungang panaguimpan
tuloy ipinagcaramdam
at sa banig ay naratay.

Nagpatauag nanga rito
marurunong na médico,
dili masabi cun anó
ang saquit nang haring itó.

Sa gayong carami bagá
medicong tinauag nila,
ay ualang macapagbadyá
sa saquít na dinadalá.

Ay mayroon namang isá
na bagong cararating pa,
siyang nagpahayag bagá
saquit nang bunying alteza.

Ang damdam mo haring mahal
ay galing sa panaguimpán,
sa iyo’i, aquing tuturan
ang iyo pong cagamutan.

May isang ibong maganda
ang pangalan ay Adarna,
cun marinig mong magcantá
ang saquít mo’i, guiguinhaua.

Sa Tabor na cabunducan
ang siyang quinalalaguian,
cahoy na hinahapunan
Piedras Platas ang pangalan.

Cun arao ay uala roon
itong encantadang ibon,
sa iba sumasalilong
at nagpapaui nang gutom.

Cun gabing catahimican
ualang malay ang sino man,
ay siyang pag-oui lamang
sa Tabor na cabunducan.

Cayá mahal na monarca
yao’i, siyang ipacuha,
gagaling pong ualang sala
ang saquít mong dinadalá.

Nang sa haring mapaquingan
ang caniyang cagamutan,
capagdaca’i, inutusan
ang anác niyang panganay.

Si D. Pedro’i, tumalima
sa utos nang haring amá,
iguinayác capagdaca
cabayong sasac-yán niya.

Ikalawang bahagi:

Yao nanga’t, lumacad na
cabunducan ang pinuntá,
at hahanaping talagá,
mahal na ibong Adarna.

Mahiguit na tatlong buan
paglacad niya sa párang,
at hindi nga maalaman
ang Tabor na cabunducan.

May dinatnang landás siya
mataas na pasalungá,
tumahan capagcaraca
itong príncipeng masiglá.

Sa masamáng capalaran
sa Dios na calooban,
nang dumating sa ibabao
cabayo niya’i, namatáy.

Di anong magagaua pa
uala nang masac-yán siya,
ang bastimento’i, quinuha
at lumacad capagdaca.

Sa Dios na calooban
na sa tanong bininyagan,
dumating siyang mahusay
sa Tabor na cabunducan.

May cahoy siyang naquita
na tantong caaya-aya,
sa caagapay na ibá
siyang tangi sa lahat na.

Ang daho’i, sacdal nang inam
para-parang cumiquinang,
diamante’i, siyang cabagay
sa mata’i, nacasisilao.

Ang naisipan nga niya
sa loob at ala-ala,
doon na tumiguil bagá
itong príncipeng masiglá.

Ang nasoc sa calooban
ang cahoy na ito’i, siyang
marahil hinahapunan
nang ibong cong pinag-lacbay.

Ay ano’i, nang gagabi na
ang Arao ay lulubóg na,
madláng ibo’i, narito na
at manga cauan ang ibá.

Sa gayóng daming nagdaan
ualang dumápo isa man,
naguló ang gunam-gunam
nitong príncipeng timtiman.

Ganitong diquit na cahoy
ualáng ibong humahapon,
aco’i, dito nalingatong
paghihintay cong malaon.

Ang nasoc sa ala-ala
sa loob niyang mag-isá,
ang siya ay magpahingá
at búcas lumacad siya.

Humilig nanga’t, sumandal
doon sa cahoy na mahal,
sa malaquing capaguran
siya’i, tambing nagulaylay.

Ay ano’i, nang tahimic na
ang gabí ay lumalim na,
siya nangang pagdating na
niyong ibong encantada.

Dumapo na siyang agad
sa cahoy na Piedras Platás,
balahibo ay nangulág
pinalitán niyang agad.

At capagdaca’i, nagcantá
itong ibong encantada,
ang tinig ay sabihin pa
tantong caliga-ligaya.

Ang príncipe ay hindi na
nacaringig nang pagcantá,
pagtúlog ay sabihin pa
himbing na ualang capara.

Ang sa ibong ugali na
cun matapos na magcantá,
ay siyang pag-táe niya
at matutulog pagdaca.

Sa masamáng capalaran
ang príncipe’i, natai-an,
ay naguing bató ngang tunay
ang catauan niyang mahal.

Di anong magágaua pa
nang siya’i, maguing bató na,
paghihintay sabihin pa
nang haring caniyang amá.

Ikatlong bahagi:

At nang maguing isang-taon na
hindi dumarating bagá,
inutusan capagdaca
si don Diegong pangalauá.

Sumunód at di sumuay
sa hari niyang magulang,
iguinayác capagcuan
cabayo niyang sasac-yán.

Pagca-handa’i, lumacad na
cabunducan ang tinumpá,
at hahanapin nga niya
ang bunying ibong Adarna.

Mahiguit sa limang buan
nag-lacad niya sa párang,
hindi naman maalaman
ang Tabor na cabunducan.

Nang siya ay dumating na,
sa daan na pasalunga,
nagtuloy at umahon na
itong príncipeng masiglá.

Sa masamáng capalaran
nang dumating sa ibabao,
nabual nanga’t, namatay
ang cabayong sinasac-yán.

Di anong magagaua pa
sa cabayong namatay na,
ang báon niya’i, quinuha
at lumacad capagdaca.

Nang siya’i, dumating naman
sa Tabor na cabunducan,
may cahoy siyang dinatnan
diquít ay di ano lamang.

Nang caniyang mapagmalas
ang cahoy Piedras Platas,
ang dahon ay cumiquintáb
diquít ay ualang catulad.

Ang nasoc sa ala-ala
nitong príncipeng magandá,
cahoy na caaya-aya
hapunán niyong Adarna.

Sa puno nang cahoy baga
may bató siyang naquita,
cristal ang siyang capara
nacauiuili sa matá.

Doon niya napagmalas
ang cahoy na Piedras Platas
ang balát ay guintóng uagás
anaqui’i, may piedrerías.

Sa toua niya’t, ligaya
sa cahoy niyang naquita,
oras nang á las cinco na
madlang ibo’i, nagdaan na.

Sa gayong daming nagdaan
manga ibong cauan-cauan,
ualang dumapo isa man
sa cahoy niyang namasdan.

Ganitong diquit na cahoy
ualang ibong humahapon,
ito’i, di co mapagnoynoy
cahalimbaua co’i, ulól.

Ang cahoy na caagapay
mayroong ibong nagdaan,
ito’i, siyang tangi lamang
bucód na hindi dapuan.

Cahit anong casapitan
ay hindi co tutugutan,
na cun anong cabagayán
sa cahoy na gaua’t, laláng.

Ay ano’i, nang lumalim na
ang gabí ay tahimic na,
doon sa batóng naquita
ay nangublí capagdaca.

Ay ano’i, caalam-alam
sa caniyang paghihintay,
siya na nganing pagdatál
nang ibong Adarnang mahal.

Dumapo na nganing agád
sa cahoy na Piedras Platas,
at naghusay nangang caguiat
balahibong sadyang dilág.

ang sa ibong cariquitan,
icao ngayo’i, pasasaan
na di sa aquin nang camay.

Ay nang macapaghusay na
itong ibong encantada,
ay siya nangang pagcantá
tantong caliga-ligaya.

Sa príncipenapaquingan
ang voces na sadyang inam,
capagdaca’i, nagulay-lay
sa caniyang pagcasandal.

Sino cayang di maidlip
sa gayong tinig nang voces,
cun marinig nang may saquít
ay gagaling siyang pilit.

Macapitong hintó bagá,
ang caniyang pagcacantá,
pitó naman ang hichura
balahibong maquiquita.

Nang matapos nganing lahat
yaong pitóng pagcocoplas,
ay tumáe namang agad
itong ibong sadyang dilág.

Sa casam-ang capalaran
si don Diego ay natai-an,
ay naguing bató rin naman
cay don Pedro’i, naagapay.

Di anong magagaua pa
nang siya’i, maguing bató na,
paghihintay sabihin pa
nang haring caniyang amá.

Ikaapat na bahagi:

Hindi niya mautusan
ang anác na si don Juan,
at di ibig mahiualay
cahit susumandalí man.

Si don Jua’i, naghihintay
na siya ay pag-utusan,
aayao tauaguin naman
nang hari niyang magulang.

Siya nanga’i, nagcusa na
dumulog sa haring amá,
nag-uica capagcaraca
nang ganitong parirala,

Aco po’i, pahintulutan
nang haring aquing magulang,
aco ang quiquita naman
nang iyo pong cagamutan.

Ngayon ay tatlóng taón na
hindi dumarating bagá,
ang capatid cong dalaua
saquít mo po’i, malubha na.

Ang sagót nang haring mahal
bunsóng anác co don Juan
cun icao ay mahiualay
lalo co pang camatayan.

Mapait sa puso’t, dibdib
iyang gayác mo’t, pag-alís,
hininga co’i, mapapatid
cun icao’i, di co masilip.

Isinagót ni don Juan
ó haring aquing magulang,
sa loob co po’i, masucal
mamasdan quitang may damdam.

Cundi mo pahintulutan
ang aquing pagpapaalam,
ay di mo mamamalayan
ang pag-alis co’t, pagpanao.

Sa uinicang ito naman
ang hari ay natiguilan,
at segurong magtatanan
ang príncipeng si don Juan.

Lumuhod na capagdaca
sa haráp nang haring amá,
bendición po’i, igauad na
siya cong maguing sandata.

Capagdaca’i, guinauaran
at siya’i, binendicionan,
at sa reinang iná naman
ay lumuhód capagcuan.

Ay ano’i, nang matapos na
na mabendicionan siya,
ay nagtindig capagdaca
itong príncipeng masiglá.

Ang despensa ay binucsán
nuha nang limang tinapay,
siyang babaunin lamang
sa talagang parurunan.

Di sumacay sa cabayo
nag-lacad nangang totoo,
ang príncipe nganing itó
cabunducan ang tinungo.

Doon sa paglacad niya
ualang tauong naquiquita,
paratí sa ala-ala
ang Vírgen Santa María.

Cung mahustong isang buan
paglacad niya sa parang,
ay siyang pagcain lamang
nang isang baong tinapay.

Sa isang buan ang isa
nang pagcaing muli niya,
parang nagpepenitencia
nang sa ibon ay pagquita.

Madai’t, salita naman
at di co na pahabaan,
ay naguing apat na buan
pag-lacad niya sa parang.

Sa aua nang Vírgen Iná
cay don Juan de Berbania,
ay dumating capagdaca
sa daan na pasalunga.

Nang sa príncipeng matignan
taas niyong cabunducan,
lumuhód siya’t, nagdasál
sa Vírgeng Ináng marangal.

Aco’i, iyong caauaan
Vírgeng calinis-linisan,
at aquin ding matagalán
itong mataas na daan.

Nang siya’i, matapos naman
pagtauag sa Vírgeng mahal,
nuha nang isang tinapay
at cumain capagcuan.

Sa limang tinapay bagá
na baon niyang talaga,
iisa na ang natira
na pangpauing gutom niya.

Nang matapos nang pagcain
sumalunga siyang tambing,
sa aua nang Ináng Vírgeng
ualang hirap na dinating.

Nang dumating sa ibabao
ang príncipeng si don Juan,
doo’i, caniyang dinatnán
isang leprosong sugatán.

Anitong leproso’t, badyá
maguinoó po aniya,
na cun may baon cang dalá
aco po’i, limosán mo na.

Sa Dios po alang-alang
aco’i, iyong cahabagán,
cun gumaling ang catauan
ay aquin ding babayaran.

Isinagot ni don Juan
aco nga’i, mayroong taglay,
natirang isang tinapay
na aquing baon sa daan.

Dinucot na capagdaca
yaong tinapay na isa,
caniyang ibinigay na
sa leproso na naquita.

Anitong matanda’t, saysay
pasasaan ca don Juan,
sabihin mo’t, iyong turan
ang layon mo’t, iyong pacay.

Anang príncipe at badyá
ganito po’i, maquinig ca,
sasabihin cong lahat na
ang sadya cong quiniquita.

Ang ama co’i, may damdam
sa banig ay nararatay,
ang ibong Adarna lamang
ang caniyang cagamutan.

Bucód dito ang isa pa
ngayon ay tatlóng taón na,
na hindi co naquiquita
ang capatid cong dalauá.

Anitong leproso bagá
don Juan maghihirap ca,
at sa pagca’t, encantada
yaon ngang ibong Adarna.

Nguni’t, ngayon ang bilin co
ay itanim sa pusó mo.
at nang hindi sapitin mo
na icáo ay maguing bató.

Sa iyong paglalacad diyan
ay may cahoy na daratnan,
diquít ay di ano lamang
cauili-uiling titigan.

Doo’, huag tumiguil ca
na sa cariquitan niya,
totoong ualang pagsala
don Jua’i, mamamatay ca.

Sa ibaba’i, tumanao ca
may bahay cang maquiquita
ang magtuturo ay siya
doon sa ibong Adarna.

Yaring limos mong tinapay
ay cunin mo na don Juan,
nang may canin ca sa daan
sa láyo nang paroroonan.

Anitong príncipe’t, badyá
ugali pagcabata na,
na cun mailimos co na
ay di co na quinucuha.

Pinipilit na ibigay
ang limos niyang tinapay,
umalis na si don Juan
siya’i, hindi pinaquingan.

Sa mahusay na pag-lacad
nitóng príncipeng marilág,
sumapit siyang liualas
sa cahoy na Piedras Platas.

Nang maquita ni don Juan
yaong cahoy na malabay,
loob niya’i, natiguilan
sa gayon ngang cariquitan.

Naualá sa ala-ala
yaóng bilin sa caniya,
parang naencanto siya
sa cahoy niyang naquita.

Sa caniyang pagmamalas
sa dahong nagsisiquintáb,
gayon din naman ang lahat
na anaqui’i, guintóng uagás.

Ay ano’i, caguinsa-guinsá
na sa panonoód niya,
ay parang pinucao bagá
ang caniyang ala-ala.

Tinutóp nanga ang noó
at nag uica nang ganito,
abá at nalimutan co
yaóng bilin nang leproso.

Sa ibabá’i, tumingin siya
ay may bahay ngang naquita,
lumacad na capagdaca
itóng príncipeng masiglá.

Nang dumating sa hagdanan
napatano capagconan,
capagdaca ay dumungao
isang ermitañong mahal.

Pinapanhic na sa bahay
ang príncipeng si don Juan,
at ang ermitaño naman
ang pagcai’i, inilagay.

Umupo na sa lamesa
nagsalo silang dalaua,
ay sa príncipeng naquita
tinapay na limos niya.

At nag-uica capagdaca
sa loob niyang mag-isa,
itong tinapay cong dalá
ay baquit narito baga.

Yaóng aquing linimosán
leprosong gagapang-gapang,
sacá dito’i, ibá naman
ermitaño ang may tangan.

Ngayo’i, hindi maisip co
sa Dios itong secreto,
anaqui’i, si Jesucristo
ang mahal na ermitaño.

Nang matapos ang pagcain
ermitaño ay nagturing,
don Jua’i, iyong sabihin
cun anong sadyá sa aquin.

Isinagot ni don Juan
sa ermitañong marangal,
gayon po’i, iyong paquingan
at aquing ipagsasaysay.

Ang sadyá co po aniya
dahil sa ibong Adarna,
igagamót na talagá
sa hari pong aquing amá.

Ang sagot nang ermitaño
don Juan iyang hanap mo,
maghihirap cang totoo
at ang ibo’i, encantado.

Isinagót niya naman
cahit aquing icamatáy,
ituro mo po ang lugar
at aquing paroroonan.

Ang sagot nang ermitaño
don Jua’i, maquiquita co,
na cun bagá nga totoó
ang pagsunód sa amá mo.

Ang cahoy mong naraanan
cauili-uiling pagmasdan,
yaon ang siyang hapunán
nang ibon mong pinapacay.

Na cun siya’i, dumating na
sa cahoy ay magcacantá,
at ang gabi’i, malalim na
ualang malay cahit isá.

At cun yao’i, matapos na
nang caniyang pagcacantá,
pitó naman ang hichura
balahibong maquiquita.

Ay nang iyong matagalán
pitóng cantang maiinam,
quita ngayon ay bibiguian
nang maguiguing cagamutan.

Naito at iyong cuha
pitóng dayap at navaja,
ito’i, siyang gamót bagá
na sa ibong encantada.

Balang isang cantá naman
ang catauan mo’i, sugatan,
at sa dayap iyong pigán
nang di mo macatulugan.

At cun ito’i, matapos na
nang macapitóng pagcantá,
ay siyang pagtáe niya
don Juan ay umilag ca.

Capag icao’i, tinamaan
nang táe nang ibong hirang,
maguiguing bató cang tunay
doon ca na mamamatáy.

Naito’i, cunin mo naman
ang cintas na guintong lantay,
pagca-hauac ay talian
at gapusin mong matibay.

Caya bunsó hayo ca na
at ang gabi’i, malalim na,
at malapit nanga bagá
dumating yaóng Adarna.

Ikalimang bahagi:

Yáo nanga si don Juan
sa Tabor na cabunducan,
at caniyang aabangan
ang ibong pinag-lalacbay.

Nang siya’i, dumating na
sa puno nang cahoy bagá
doon na hinintay niya
yaon ngang ibong Adarna.

Ay ano’i, caalam-alam
sa caniyang ipaghihintay,
ay siyang pagdating naman
niyaong ibong sadyang mahal.

Capagdaca ay naghusay
balahibo sa catauan,
ang cantá’i, pinag-iinam
cauili-uiling paquingan.

Naghusay namang mulí pa
itong ibong encantada,
umulit siyang nagcantá
tantong caliga-ligaya.

Nang sa príncipeng marinig
yaóng matinig na voces,
ay doon sa pagca-tindig
tila siya’i, maiidlip.

Quinuha na capagdaca
ang dala niyang navaja,
at caniyang hiniua na
ang caliuang camay niya.

Saca pinigán nang dáyap
nitong príncipeng marilág,
cun ang ibon ay magcoplas
ay nauaualá ang antác.

Di co na ipagsasaysay
pitóng cantáng maiinam,
at ang aquin namang turan
sa príncipeng cahirapan.

Pitóng cantá’i, nang mautás
nitong ibong sacdal dilág,
pitó rin naman ang hilas
cay don Juang naguing sugat.

Ay ano’i, nang matapos na
ang caniyang pagcacantá,
ay tumáe capagdaca
ito ngang ibong Adarna.

Ang príncipeng si don Juan
inailag ang catauán,
hindí siya tinamaan
para nang unang nagdaan.

Siya nangang pagtúlog na
nitong ibong encantada,
ang pacpac ay nacabucá
dilát ang dalauang matá.

Nang sa príncipeng matátap
nagtahan nang pagcocoplas,
umac-yat na siyang agad
sa cahoy na Piedras Platas.

Nang caniya ngang maquita
ang pacpac ay nacabucá,
dilát ang dalauang mata
nilapitang capagdaca.

Agad niyang sinungabán
sa paa’i, agad tinangnan,
guinapos niyang matibay
nang cintas na guintong lantáy.

Ikaanim na bahagi:

At bumabá nanga rito
ang príncipeng sinabi co,
itong ibong encantado
dinalá, sa ermitaño.

Sa ermitañong quinuha
mahal na ibong Adarna,
inilagay nanga niya
sa mariquit na jaula.

Ang uica nang ermitaño
itong bangá ay dalhin mo,
madalí ca at sundin mo
ang ipinag-úutos co.

Muha ca nang tubig naman
dalauang bató ay busan,
nang sila ay magsilitao
manga capatid mong hirang.

Si don Jua’i, lumacad na
ang banga’i, caniyang dala,
sumaloc nang tubig siya.
at ang bató’i, binusan na.

Si don Pedro’i, ang nauna
na siyang nabusan niya,
lumitao capagcaraca
at hindi namamatay pa.

Umuling sumaloc naman
si don Diego ang binusan,
nagquita silang mahusay
at hindi pa namamatay.

Malaquing pasasalamat
nang magcapatid na liyag,
ualá silang maibayad
cay don Juang manga hirap.

Sila’i, agad napatungo
sa bahay nang ermitaño,
at naghain nanga rito
pinacain silang tatló.

Ay ano’i, nang matapos na
nang pagcain sa lamesa,
capagdaca ay quinuha
garrafang may lamáng lana.

At caniyang pinahiran
yaong sugat ni don Juan,
gumalíng agad nabahao
at ualang bacás munti man.

Nag-uica ang ermitaño
mangagsi-ouí na cayó
magcasundó cayong tatló
at huag ding may mag-lilo.

Don Juan ay cunin mo na
iyang mariquit na jaula,
baca di datning buháy pa
ang monarcang iyong amá.

Bago umalis at nanao
ang príncipeng si don Juan,
ay lumuhód sa harapan
nang ermitañong marangal.

Napabendición nga muna
at saca sila’i, nalis na,
si don Pedro ay nagbadyá
cay don Diegong bunso niya.

Si don Juan ay magaling pa
hindí mahihiyá siya,
at siya ang nacacuha
nito ngang ibong Adarna.

Ang mabuti ngayon naman
ang gauin nating paraan,
patayin ta si don Juan,
sa guitna nang cabunducan.

Si don Diego ay nag-uica
iya’i, masamang acala,
ang búhay ay mauaualá
nang bunsóng caaua-aua.

Ani don Pedro at saysay
cun gayon ang carampatan,
umuguin ta ang catauan
at saca siya ay iuan.

Ito ang minagaling na
sa loob nilang dalaua,
ang cataua’i, inumog na
nang bunsong capatid nila.

Di anong casasapitan
nang pagtulungan sa daan,
ay di nanga macagaláo
ang príncipeng si don Juan.

Quinuha na capagdaca
ang dalá nga niyang jaula,
nang dalaua’t, omoui na
doon so reinong Berbania.

Nang sila’i, dumating na
sa canilang haring amá
ang ibong canilang dalá
nangulugó capagdaca.

Itinanong si don Juan.
nang hari nilang magulang,
sagót nang dalauá naman
di po namin naalaman.

Nang ito’i, maringig na
ang sabi nilang dalauá,
ang saquít ay lumubhá pa
nitong daquilang monarca.

Saca ang ibong marilág
balahibo’i, nangu-ngulág,
di magpaquita nang dilág
sa haring quinacaharap.

Ang uica nang hari bagá
itó ang ibong Adarna,
anong samá nang hichura
sa ibong capua niyá.

Ang sinabi nang medico
na ito rao ibong itó,
ay may pitóng balahibo
na tantong maquiquita mo.

At cun ito ay magcantá
lubhang caliga-ligaya,
ngayo’i, nangasaan bagá,
at di niya ipaquita.

Hindi pa nga nagcacantá
itong ibong encantada,
at sapagca nga uala pa
ang cumuha sa caniya.

Ito’i, aquing pabayaan
ang di niya pagsasaysay,
at ang aquing pagbalicán
ang príncipeng si don Juan.