Kaligirang Pangkasaysayan ng Pabula


Noong sinaunang panahon, nakahiligan na ng mga katutubong Pilipino ang pagsasalaysay sa kung ano ang kanilang nakikita, nadarama at maging ang pinaniniwalaan.

Dito ibinatay ang pinagmulan ng mga sinaunang panitikan na ating binabasa at pinagaaralan sa kasulukuyang panahon. Isa ang pabula sa mga itinuturing na pinakaunang uri ng panitikan na kinagigiliwan ng mga tao sa daigdig. Sa pampanitikang depinisyon, ang pabula ay uri ng kuwentong pambata na ang gumaganap ay mga hayop na kumikilos, nag-iisip at nagsasalita na parang tao at sa bandang huli’y nagdudulot sa bawat mambabasa ng mabubuting aral .
Bago pa man makarating sa Pilipinas ang mga banyagang pabula tulad ng ‘Ang Lobo at ang Uwak” at “Ang Leon at ang Daga” ni Aesop ng Gresya, isinasalaysay na sa mga liblib na lalawigan at rehiyon ng bansa ang kani-kanilang ipinagmamalaking katutubong pabula.
Tinatayang unang naisulat ang mga pabula sa daigdig noong ikalima at ikaanim na daang taon bago isilang si Kristo. Ayon sa ilang mananaliksik at historyador ng panitikan, nabasa ang unang pabula sa India. Kinikilala si Kasyapa at ilang mga dakilang tao ng India na madalas paksain ng kanilang mga pabula dahilan sa kanilang mabubuting gawa sa lipunan. May bahid ng relihiyon ang paggamit ng mga pabula sa
kanilang pangangaral ng Budismo dahilan sa mga aral na inihahatid nito sa tao. May ilan namang naniniwala na ang kanilang sinaunang pabula ay hinango sa Panchantara at Jatakas. Ang Panchantara ng India ay kalipunan ng mga kuwento na isinulat sa Kashmir noong 200 B.C.. Ang pamagat ng aklat ay galing sa pangalan ng dalawang lobo(Jackals)
na sina Kalilab at Dimab. Ang Panchantara ay isinalin sa wikang Persiano, Arabic at Latin na napatanyag sa Europa noong mga panahon iyon. Samantala, ang Jatakas ay aklat naman ng mga kuwento na
nauukol sa muling pagkabuhay ni Gautama Buddha. Isinalaysay rito ang buhay ni Buddha kung paano nagpasalin-salin ang kaniyang
kaluluwa bago siya maging Buddha sa iba’t ibang hayop gaya ng barako, leon, isda at
maging ng daga. Ang Jatakas ay isang kuwento sa loob ng isa pang kuwento na sa bahaging
huli ay may patulang aral. Taglay ng Jatakas ang 547 na kuwento at 30 rito ay mga
kuwentong pambata lamang. Ang mga kuwentong Jatakas(Eastern
Stories and Legends Jatakas Tales) ay tinipon nina Helen C. Babbit at Marie Shedlock.

Ang Europa ay may ipinagmamalaking manunulat at
mananalaysay ng pabula sa katauhan ni Esopo o Aesop.
Ipinanganak siya noong ikaanim na daang taon at tinaguriang
“Ama ng Sinaunang Pabula” (Father of Ancient Fables) mula 620-
560 B.C. Isinilang na may kapansanan sa pandinig si Aesop bukod
pa sa pagiging kuba nito. Si Aesop ay kabilang din sa mga alipin
noong mga panahong iyon. Sa kabila ng pagiging alipin at
kapansanang taglay, biniyayaan naman siya ng kakayahang
makapagsulat at makapagsalaysay ng pabula. Ang kasipagan at katapatan sa kanyang
panginoon ang naging daan upang mabigyan siya ng natatanging karapatan at kalayaan na
makisalamuha sa tao at makapaglakbay. Sa kaniyang paglilibot, nasaksihan niya ang pangit
na kalagayan ng pamumuhay ng mga tao. Nagdudumilat ang hindi patas na pagtrato sa
mahihirap at maging ang masasamang gawi at asal ng mayayaman at pinuno ng bayan.
Pinuna niya ang mga kamaliang ito sa pamamagitan ng pagsulat ng kuwento na hayop ang
mga nagsisiganap. Ipinagbabawal noon ang tuwirang pagpuna sa mga taong nasa mataas
na antas sa lipunan at ang sinumang sumuway ay pinapatawan ng pagkakulong at

kamatayan. Bawat lugar o bayan na kaniyang pinupuntahan ay sumusulat siya ng mga
kuwentong pabula na nauukol dito. Nakasulat ng humigit-kumulang na 200 mga pabula si
Aesop bago siya bawian ng buhay sa Gresya.
Lumitaw ang iba pang mga manunulat ng pabula sa katauhan
nila Marie de France (1300), Jean la Fontaine(1600), Gotthold
Ephraim Lessing(1700) at maging si Ambrose Bierce (1800). Si Jean
La Fontaine ang naglathala ng kaniyang pabulang patulang Pranses
noong 1668. Nabigyang pagkakataon ding mailathala ni Milo Winter
ang aklat na “The Aesop for Children” bilang pagdakila sa mga
kuwentong pabula ni Aesop. Tumanyag din ang mga sinulat na pabula
nina Babrias, Hesiod, Phaedrus, Phalacrus, Planudes, Romulus at
Socrates.
Ang pagtanyag ng mga dayuhang pabula ang siyang
naging daan upang higit na malinang ang ating sariling pabula.
Umunlad pa ito nang sakupin ng España ang Pilipinas sapagkat
natuklasan nilang may sarili nang pabula ang mga katutubo na
tinatangkilik bilang paraan ng paglilibang at pangangaral sa mga
anak. Sa pagkakataong ito, naghalo ang dayuhang pabula at
katutubong pabula ng Pilipinas na ating pinag-aaralan hanggang
sa kasalukuyan.
Tinataglay ng pabula ang magagandang aral gaya ng
tama, patas, makatarungan at makataong pakikisama sa kapwa. Mabuting paggabay ang
dahilan kung bakit nagkainteres ang mga tao na basahin at palaganapin ito sa mga
lalawigan at rehiyon kung saan lumikha sila ng kanilang bersyon ng pabula.
Mabisang nailarawan at naipakita ang mga kaugalian at kultura ng isang lalawigan
o rehiyon sa pamamagitan ng mga hayop na taal o likas sa lugar na pinatutungkulan.
Ginamit na tauhan ang mga hayop upang maiwasan ang pag-aakusa sa ilang grupo, lipi o
tribo na sila ang pinatutungkulan ng pabula.

Nakarating ang pabula sa modernong panahon kasama na ang pilipinas dahilan sa
pasaling-dila ng ating mga ninuno. Marami man sa mga kuwentong ito ay nawala na sa
pagdaan ng panahon, ang iba nama’y napagsikapang naitala at nailimbag sa mga bato, balat
ng kahoy, talukap ng niyog at maging sa mga dahon. Sa kasalukuyan, ang ilang mga pabula
ay nailathala na sa mga aklat at pinag-aaralan sa mga paaralan sa buong kapuluan.
Ang mga aral ng pabula ang siyang dahilan upang balik-balikang basahin ito hindi
lamang ng mga kabataan kundi maging ng mga Pilipinong may pusong bata. Ipinaalala nito
sa atin ang kahalagahan ng tamang pakikipagkapwa-tao, paggalang sa bawat isa anuman
ang antas sa buhay, pagganap ng tapat sa tungkulin sa pamahalaan, pananagutan sa lipunan
at pagiging mabuting magulang at anak.