Magkabilaan
Joey Ayala
Ang katotohanan ay may dalawang mukha
Ang tama sa iyo ay mali sa tingin ng iba
May puti, may itim, liwanag at dilim
May pumapaibabaw at may sumasailalim.
Ang tubig ay sa apoy, ang lupa ay sa langit
Ang araw ay sa gabi, ang lamig naman sa init
Kapag nawala ang isa, ang isa’y di mababatid
Ang malakas at ang mahina’y magkapatid.
Magkabilaan ang mundo magkabilaan
Ang mundo magkabilaan ang mundo.
Ang hirap ng marami ay sagana ng iilan
Ang nagpapakain, walang laman ang tiyan
Ang nagpapanday ng gusali at lansangan
Maputik ang daan tungo sa dampang tahanan.
May mga haring walang kapangyarihan
Meron ding alipin na mas malaya pa sa karamihan
May mga sundalo na sarili ang kalaban
Ay may pinapaslang na nabubuhay nang walang hanggan.
May kaliwa’t may kanan sa ating lipunan
Patuloy ang pagtutunggali, patuloy ang paglalaban
Pumanig ka, pumanig ka, huwag nang ipagpaliban pa
Ang di makapagpasiya ay maiipit sa gitna.
Bulok na ang haligi ng ating lipunan
Matibay ang pananalig na ito’y palitan
Suriin mong mabuti ang iyong paninindigan
Pagkat magkabilaan ang mundo.