MARAGTAS
(Ang Kasaysayan ng Sampung Datu ng Borneo)
Sinugbuhan, isang pulo sa Panay na ang nakatira ay ang mga Ita, pinamumunuan ni
Datu Pulpolan. Sa katagalan ng panahon at dahil na rin sa kanyang katandaan upang
pamahalaan ang isang pulo, napagpasyahan niya na isalin ang kanyang kapangyarihan sa
kanyang anak na si Datu Marikudo. Tinataglay ng kanyang anak ang mga katangian ng isang
datu kaya’t ito naman ay sinang-ayunan ng lahat.
Isang kaugalian nila nabago manungkulan ang isang datu, nararapat na siya ay pakasal. Sa dami ng babae na naghahangad sa kanya
ang mahirap na si Maniwantiwan ang kanyang pinakasalan.
Ang mga Ita sa Sinugbuhan ay nabubuhay sa pamamagitan ng pagtatanim at
pangingisda. Ang kanilang paboritong pagkain ay usa, baboy-ramo, butiki, pusa, isda at iba
pang pagkain na matatagpuan sa gubat at ilog.
Di sila nahihiyang lumakad na walang damit, subalit nang may dumating sa kanila ang
mga bagay na wala sa kanila, natuto silang magtakip ng katawan, tulad ng dahon balat ng
kahoy o hayop. Naiiba ang uri ng pag-aasawa ng mga Ita, ang babae ay dinadala sa bundok at
pinatatakbo lamang, kung siya ay aabutan ng lalaki saka lamang sila ikakasal.
Ang isang babae naman na malapit nang magsilang ay dinadala sa bundok na ang tanging nagbabantay
ay ang lalaki at kung ito ay nataon sa tag-ulan ang lalaki ay nagtatayo ng kubong masisilungan
upang sila ay malayo sa panganib. Ang pangalan ng bata ay pinangangalanan ng kahoy na
malapit sa pinagsilangan.
Sila ay naniniwala na ang sinumang magkasakit sa kanila ay gawa ng masamang
espiritu, kaya’t upang ang may karamdaman ay gumaling agad, naghahandog sila ng pagkain
sa masasamang espiritu. Kasamang ibinabaon sa Itang namatay ang isang bagay na
mahalaga sa kanila sapagka’t lubha daw nag-aalala ang namatay kung ito ay maiiwan.
May ibang paraan sila ng paglilibing, sa loob ng ilang araw, ito’y patayong nakabaon sa lupa nang
may salakot bago ito tabunan ng lupa. Sinasabi rin na ang lupang pinagbaunan ng isang patay
ay isang mabisang lupang dapat pagtaniman.
Ang mga Ita ay magagalang sa bawa’t isa. Walang inggitan at ang Datu ang siyang
lumulutas ng lahat ng alitan o suliranin ng bawa’t isa. Ang sinumang magkasala ay
pinarurusahan tulad ng pagtatapon sa dagat o pagpapabaon ng buhay.
Ang mga nabanggit ang mga uri ng kalinangan, kaugalian ng mga Ita bago dumating
ang Sampung Datu buhat sa Borneo, na tumakas kasama ang kanilang mga asawa, mga
katulong at mga ari-arian upang iwasan ang pagmamalupit ni Datu Makatunaw.
Ang sampung datu ay sina:
1. Datu Puti
2. Datu Sumakwel
3. Datu Bangkaya
4. Datu Paiburong
5. Datu Paduhinogan
6. Datu Domongsol
7. Datu Lubay
8. Datu Dumangsil
9. Datu Domalogalog
10. Datu Balensuela
Galit at pagkamuhi ang nadama ng mga Ita nang dumaong ang mga Datu sa Panay,
subalit sa maayos at makataong pakikipag-usap na ginawa ng mga dayuhan kay Datu
Marikudo, sila’y nagkasundo at ang unang lupang natapakan ng dayuhan at napagkasunduan
ay ibinigay sa pamamagitan ng pagpapalitan. Nagkaroon ng malaking kasaysayan ang
pangyayaring ito. Ang mga Ita ay naghanda ng pagkain at dahil sa ipinakitang kagandahangloob
ng mga Ita, hinandugan ng makukulay na kwintas, at mga gamit sa pakikidigma ang mga
Ita.
Bilang kabayaran sa lugar na napagkasunduan, binigyan ni Datu Puti si Datu Marikudo
ng isang gintong salakot at isang batyang ginto na may timbang na limampung bas-ing. Isinuot
ni Datu Marikudo ang salakot sa kasayahan.
Malandog ang pangalan ng napiling lugar ng mga dayuhan na ayon kay Datu puti, ang
laki ay sapat na upang sila ay magtanim para sa kanilang ikabubuhay at malapit sa ilog upang
doon kumuha ng ibang makakain. Umalis si Datu Puti na batid na niyang mabuti ang kalagayan
ng kanyang mga kasamahan. Bumalik siya sa Borneo sapagka’t ayon sa kanya ay kaya na
niyang tagalan ang pagmamalupit ni Datu Makatunaw. Pitong Datu ang naiwan sa Panay sa
pamamahala ni Datu Sumakwel, sina Datu Dumangsil at Datu Balensuela ay nagpunta naman
sa Luzon.
Si Datu Sumakwel ay isang matalino at mabagsik na Datu. Ang sinumang nagkasala ay
pinarurusahan, pinuputol ang kamay ng sinumang magnakaw at ang mga tamad ay pinagbibili
na isang alipin o kaya’y pinagagawa sa ibang lupa. Masasabi ring ang mga dayuhan ay
magagalang at mapagmahal. Bulalakaw ang pangalan ng kanilang diyos na matatagpuan sa
Bundok ng Madyas.
Ang kanilang pag-aasawa ay naiiba sa mga Ita. Bago tanggapin ng babae ang lalaki,
sila ay nagbabaon ng pana sa paligid ng bahay at ito ay tatanggalin kung may kapahintulutan
na ang mga kalalakihan, at sa lugar na pinag-alisan ay ilalatag ang banig upang paglagyan ng
mga pagkain. Habang nag-uusap ang dalawang pangkat ang babae ay pansamantalang
nakatago.
Pinaiinom ng alak ng paring magkakasal ang dalawa sa gitna ng karamihan,
pinangangaralan at hinahangad ng magkaroon ng malulusog, matatapang, magaganda at
marurunong na anak.
Bago mamatay ang isa sa kanila ay pinaliliguan ng katas ng mababangong bulaklak,
binibihisan ng magagandang damit na may gintong pera sa bibig sapagka’t isang paraan daw
ito upang ang patay ay di mabulok. Pagkatapos ng anim na araw na pagbabantay, ang patay
ay inilalagay na sa kaban na may iba’t ibang uri ng pagkain at kung ang namatay ay isang
mayaman, isang katulong ang sa kanya’y isasama upang magbantay daw sa kabilang buhay.
Kung ang namatay ay nag-aari ng isang bangka, ang bangkay ay hindi ibinabaon, sa halip ay
inilalagay sa bangka na maraming pagkain at papaanurin sa dagat. Ang mga mauulila naman
ay nagsusuot ng puting damit bilang pagluluksa.
Ang mga nabanggit ay ilan sa mga kaugalian at paniniwala ng mga dayuhan na
dumating sa Panay, subalit isang pangyayari sa buhay ni Datu Sumakwel ang nagdulot sa
kanya ng kapighatian at kalungkutan.
Lumipas ang maraming taon na paninirahan sa Malandog, naisipan ni Datu Sumakwel
na magpunta sa bundok na kinalalagyan ng kanilang diyos na si Bulalakaw. Umalis siya na
iniwan ang kanyang mga gamit sa pangingisda, bahay at asawa, na ipinagbilin niya kay
Gurung-gurung na kanyang pinagkakatiwalaan. Di niya batid na si Kapinangan na kanyang
asawa ay may gusto kay Gurung-gurung.
Nakapansin ng pagbabago si Datu Sumakwel nang dumating siya sa kanilang lugar at
tahanan. Kaya’t upang mapatotohanan, nagbalak siyang umalis sa kanila, pinahanda ang lahat
ng kanyang kailangan sa paglalakbay, na di batid ng kanyang asawa na iyon ay isa lamang
pakana.
Nagkataon naman kinabukasan, pinatawag ni Kapinangan si Gurung-gurung upang
utusan daw, subalit sa bahay siya ay nakahiga na at talagang hinihintay ang pagdating ni
Gurung-gurung. Subalit ang kanyang balak ay di nagkaroon ng katuparan sapagkat patay na
bumagsak si Gurung-gurung na may tama sa likod. Ganoon na lamang ang pagdadalamhati ni
Kapinangan, naisaloob niya na mabuti pa ang kanyang asawa ang namatay sa oras na iyon.
Pinagputul-putol niya ang kamay at paa at ibinalot ng kumot upang di-gaanong mapansin.
Dumating si Datu Sumakwel na nagbalatkayong bagong dating bago’y siya ang pumatay
kay Gurung-gurung sa pamamagitan ng sibat habang siya ay nakatago sa kisame. Pinagluto
niya si Kapinangan. At sinabing siya’y gutom na gutom. Nagtaka siya nang magreklamo si
Kapinangan nang sabihin niyang putul-putulin ang isda na dati rati’y kanyang ginagawa.
Upang di-parisan ng mga kababaihan, ipinatapon niya ang kanyang asawa sa gitna ng
dagat, subalit ang kanyang inutusan ay nagdalang habag, kaya’t dinala na lamang niya si
Kapinangan sa malayong pook at doon nila iniwan.
Sa pangalang Alayon, nakikilala sa Kapinangan sa lugar na kanyang narating, at siya’y
sinambang diyosa dahil sa taglay niyang kabaitan.
Lumipas ang maraming taon, subalit ang nangyari kay Sumakwel ay di rin niya
nalilimutan. Minsan siya ay naglalakbay upang maghanap ng mga pananim, at sa diinaasahang
pangyayari ang narating niyang lugar ay ang kinalalagyan ni Kapinangan. Di na
niya nakilala si Kapinangan sa tagal ng panahong pagkakalayo. Naging mahusay ang
pagtanggap sa kanila sa nasabing lugar at sa loob ng ilang araw na pananatili doon, si Alayon
at Datu Sumakwel ay nagkagustuhan, subalit sa tuwing sasagi ang nangyari sa kanyang buhay,
parang ayaw na niyang makipagsapalaran.
Aalis siya sa lugar upang iwasan si Alayon. Si Alayon ay lumuluha dahil sa napipinto
niyang pag-alis, subalit di nagkaroon ng pagkakataong umalis si Datu Sumakwel sapagka’t
sila’y pinaglapit ng kanilang mga kasamahan at humantong sa kasalan. Nagsama at namuhay
nang matiwasay ang dalawa hanggang sa kahuli-hulihang sandali ng kanilang buhay, ay di
nakilala ni Datu Sumakwel na ang kanyang muling pinakasalan ay si Kapinangan na dati niyang
asawa.
source: Bureau of Secondary Education