MGA ALAMAT Kabanata 3, El Filibusterismo ni Jose Rizal


Pumapasok na nga noon sa lawa ang bapor at tunay na napakaringal ang tanawing tumambad sa kanilang paningin. Humanga ang lahat. Sa harap, nakalatag ang kaakitakit na lawa, naliligid ng luntiang pampangin at asul na bundok, kahawig ng isang napakalaking salamin na may kuwadrong esmeralda at sapiro upang masalaminan ng langit. Sa kanan, nakalatag ang mahabang pampangin, lumilikha ng mga look na may
kaaya-ayang kurba. At doon sa malayo, may kalabuan ang kawit ng Sugnay. Sa dakong likuran ng harap, maharlikang nakatindig ang Makiling, mahirap limutin, napuputungan ng maninipis na ulap. At sa kaliwa, ang pulo ng Talim, ang Susong Dalaga na may malalambot na kunday at nagpapatunay sa pangalan nito.

Isang sariwang simoy ang buong tamis na kumulot sa malawak na mukha ng lawa.
“Siya nga pala, Kapitan,” ani Ben Zayb na lumingon, “alam ba ninyo kung sang
dako ng lawa namatay ang isang nagngangalang Guevarra, Navarra o Ibarra?”
Tumingin ang lahat sa Kapitan maliban kay Simoun na bumaling sa ibang dako
upang hanapin ang kung ano sa pampangin.

“Oo nga!” ani Donya Victorina. “Saan Kapitan? May Naiwan bang palatandaan sa
tubig?”

Ilang ulit kumindat ang butihing ginoo, bilang patunay ng kaniyang pagkaligalig .
Ngunit nang makita niya ang samo sa mga mata ng lahat, lumapit nang ilang hakbang
sa dulo ng bapor at sinuri ang pampangin.

“Tumingin kayo doon,” aniya sa tinig na halos hindi marinig pagkatapos matiyak
na walang ibang tao sa malapit. “Sang-ayon sa kabo na namahala sa pagtugis, nang
makita ni Ibarra na mapipikot siya, tumalon siya mula sa bangka doon sa malapit sa
kinabutasan at, sumisid nang sumisid sa gitna ng dalawang tubig, tinawid ang distansiyang
mahigit dalawang milya, at sinasalubong ng punglo tuwing lilitaw ang ulo upang
huminga. Sa banda pa roon siya nawala sa kanilang paningin at sa malayo-layo pa,
malapit sa pampang may nakita silang tila kulay dugo…At iyon na nga! Labintatlong
taon na ngayon, walang labis walang kulang nang maganap ito.”

“Samakatwid, ang kaniyang bangkay?…” Tanong ni Ben Zayb

“Ay kapiling na ng bangkay ng kaniyang ama,” tugon ni Padre Sibyla. Hindi ba’t isa
rin itong filibustero, Padre Salvi?”

“Napakamurang mga libing, hindi po ba, Padre Camorra?” tanong ni Ben Zayb.
Lagi kong sinasabi na isang filibustero ang ayaw magbayad para sa mariringal na
libing,” sagot ng tinukoy habang tumatawa nang buong saya.

“Pero, ano ang nangyayari sa inyo, Senyor Simoun?” Tanong ni Ben Zayb, nang
mapansing walang tinag at buong lalim na nagninilay ang alahero.

“Nahihilo ba kayo, kayo na isang biyahero! At sa sampatak na tubig tulad nito?”

“Ang masasabi ko sa inyo,” wika ng Kapitan na tinubuan na ng pagmamahal sa pook
na iyon. “Huwag ninyo itong tawaging sampatak na tubig. Higit na malaki ito kaysa alinmang
lawa sa Suiza at malaki pa kahit pagsamahin ang lahat ng lawa sa Espanya. Marami
na akong nakitang matandang marino na nalula dito.”

Pp 21-23 Kabanata 3 ng El Filibusterismo, Mga Alamat