Nang Maging Mendiola Ko Ang Internet Dahil kay Mama


ni Abegail Joy Yuson Lee
(Ikalawang Gantimpala, Carlos Palanca Memorial Awards para sa Kabataan Sanaysay)

Binigyan tayo ng Diyos ng bibig para makapagsalita at utak para makapag-isip. Iyan ang paulit-ulit na dayalogo sa akin ni Mama sa tuwing nalalaman niyang hindi na naman ako nagsalita upang ipagtanggol ang aking sarili. Ako kasi yaong tipo ng taong
hindi nagsasabi ng tunay na nararamdaman at hinaing. Napag-isip-isip kong may punto naman siya doon. Tama naman talaga siya. Ginagamit natin ang ating mga bibig para maisalita kung ano ang ating mga saloobin kaagapay ang utak upang iproseso ang mga napapansin at kapansin-pansing mga bagay-bagay na nangyari sa ating paligid.

Ngunit, naisip ko, habang sinasabi na naman niya sa akin ang paborito niyang linya, paano naman kaya ang mga piping hindi naisasalita ang kanilang mga saloobin? O kaya, ang mga taong katulad ko na nahihiya o kung minsan ay natatakot isalita ang mga saloobin? Paano kaya nila sasabihin sa mga tao sa paligid nila ang kanilang mga hinaing? Paano kaya nila maipararating ang kanilang mga nasasaisip. Paano kaya nila
maipagtatanggol ang kanilang mga sarili laban sa iba? Hindi naman sa lahat ng oras ay nariyan ang mga taong nakauunawa sa bawat pagkumpas ng kanilang mga kamay at pagbabago ng ekspresyon ng kanilang mga mukha o ang mga simpleng pananahimik nila sa sulok ng bahay. Nagtataka ako. Paano kaya nila sasabihin ang mga gusto nilang sabihin
kung ipinagkait sa kanila ang kakayahan at karapatang makapagsalita?
Ang lahat naman ay magagawan ng paraan, ang motto nga ni Mama.

Salamat sa internet! Ito ang nagsilbing tulay ko upang maipahayag sa aking mga kausap ang ilang mga bagay na hindi ko kayang maiparating nang tuwiran. Hindi ko man maisatinig palagi ang mga nais kong sabihin, maaari ko namang maisulat ang mga ito. Gamit ito, naipaparating ko sa aking mga kaibigan ang aking kasalukuyang kalagayan, opinyon, pananaw at mungkahi ukol sa ilang mga isyung personal at panlipunan.

Minsan nga ay nabasa ko ang ipinost ng isa kong kaibigan sa Facebook. Nanghihingi siya ng mga mungkahi sa kung anong magandang gawin ngayong bakasyon. Marami ang nagbigay ng kanilang mga opinyon. May mga nagsabing magbabad na lamang sa pagfe- Facebook. May mga nagsabing maglaro na lamang daw sila ng mga computer games. Alam ko na mag-aaksaya lang sila ng panahon, pati na rin ng kuryente na nagbabadyang tumaas na naman ang halaga. Hindi ako sumang-ayon sa mga mungkahi nila. Sa una’y nag-aalinlangan akong magbigay ng opinyon pero nag-aalala ako na baka hindi nila magugustuhan ang sasabihin ko o baka hindi maganda ang magiging reaksiyon ng mga makakapansin sa aking isusulat. Ngunit, maya-maya ay napagpasyahan ko na magbigay na rin ng aking opinyon. Naisip ko, wala namang masama kung susubukan kong magtipa ng mga nais kong sabihin. Iyon ang unang pagkakataong nagbigay ako ng opinyon maliban sa mga madalas kong iminumungkahi na ”hahaha,” ”tama,” at kung ano-anong
mga pangkaraniwang ekspresyon.

“Sulitin mo ang summer, kumain ka ng sorbetes o ’di kaya’y mag-swimming ka para ma-enjoy mo ang init ng panahon. Kung gusto mo’y pwede ka ring mag-exercise,
magiging fit ka pa niyan. Sumulat ng blogs tungkol sa iyong sarili o ilang mga tula tungkol
sa iyong mga nararamdaman ngayong tag-init.”

Iba-iba ang naging reaksyon ng mga nakapansin sa sinulat ko. Marami ang naglike ngunit may ilan-ilang ding umalma. Gayunpaman, natuwa pa rin ako dahil marami ang nagsabing maganda ang mungkahi kong iyon. Kahit papaano’y naibahagi ko ang mga ideyang maaaring makatulong sa iba, hindi ba? Kaya simula noon ay ganap nang natanggal ang mga pag-aalinlangan kong magkomento o magpahayag ng aking mga opinyon, pati ang mga nais kong sabihin ay madalas ko na ring ipinopost sa Facebook
at Twitter.

Hindi dapat magkaroon ng diskriminasyon sa pagsasalita, isa na naman iyan sa mga pahayag ni Mama.

Ang pahayag na iyon ni Mama ang nagpapaalala sa akin kung bakit hindi ako nagaalangang maghayag ng aking saloobin sa internet sapagkat ito ay hindi namimili ng tao. Sa madaling salita walang diskriminasyong nagaganap sa mundong ito. Lahat ay puwedeng gumamit nito. Bukas kasi sa publiko. Walang pinipiling taong gagamit.

Mapabata, estudyante, mangangalakal, guro, doktor, mga kawani ng gobyerno, mga tagapag-ulat, manunulat, mga lolo’t lola, maging ang mga may kapansanan – sinuman ay mamamangha sa dami ng pakinabang nito. Siyempre, hindi magpapatalo ang mga kabataang tulad ko. Ito ngayon ang paraan ko at ng iba pang kabataan para ipaalam sa lahat ang reaksiyon, opinyon, at saloobin namin tungkol sa mga nangyayari sa aming paligid – pamilya, pamayanan, lipunan at
mundo. Ang bawat titik na itinitipa namin sa kompyuter ay may mahalagang mensahe.
Umaasa kami na mapapansin ang mga ipinopost naming mga blogs sa internet, na kahit
sa mundo ng cyberspace ay puwede naming baguhin ang realidad, na maaari naming
gawing tama ang ilang mga maling napapansin namin sa paligid, at hindi lang kami bastabasta
nagpapalipas ng oras gamit ito. Alam kong mapatutunayan namin ito.
Napag-isip-isip ko na kahit sa lipunan ay makatutulong kaming mga kabataan sa
pamamagitan ng internet, hindi ba’t kami rin naman ang sinasabing kinabukasan ng ating bayan? Ang mga raliyista sa Mendiola ay nahihirapan na iparating ang kanilang mga hinaing sa pamahalaan. Nakapagsasalita man sila, hindi naman sila pinakikinggan ng
gobyerno. Nakatitiyak ako na gumagamit din ng internet ang pamahalaan at siguradong mababasa rin nila ang mga blogs na naka-post doon. Isa ako sa mga sumusuporta sa kanila kung alam kong tama ang ipinaglalaban nila. Lahat tayo’y umaasa na sa oras na mabasa ng may kapangyarihan ang mga reaksiyon at opinyon na inilalagay natin sa internet ay malalaman nila at babaguhin ang kanilang mga pagkakamali. Ang internet ang nagsisilbing Mendiola ko at naming mga kabataan ngayon.

Ito na ang malayang kalsada na kung saan kami ay nagpapalitan ng iba’t iba naming reaksiyon at kuro-kuro sa mga maiinit na isyu at pangkasalukuyang kaganapan ng ating lipunan. Dito na namin ipino-post ang mga naglalakihan naming plakards ng reaksiyon at hinaing. Dito na namin ipinapakalat ang mga nalilikha naming mga tula, sanaysay, at
artikulong magbubukas ng isip sa kapwa-kabataan namin.
Hindi naman kasi totoong puro kompyuter at pagfe-Facebook na lang ang inaatupag ng lahat ng mga kabataan ngayon. Siguro nga’y napapansin na halos ‘di kami matinag sa harap ng kompyuter pero hindi naman sa lahat ng oras ay naglilibang lang kami.

Dala na rin siguro ng modernisasyon kaya nakasanayan na naming gumamit ng internet para maipahayag namin ang aming mga sarili – ang aming mga saloobin, mga pananaw, reaksiyon, at mga opinyon. Alam kong may pagkakatong hindi na rin namin makontrol ang aming mga sarili sa paggamit ng internet, at inaamin ko na nagkakamali kami, pero sana’y maunawaan ninyo na sa mga edad naming ito ay masyado kaming sensitibo, mausisa, at mapaglakbay sa totoong mundo at sa mundo ng cyberspace. Nais naming ilabas ang aming mga saloobin sa pamamagitan ng internet.

Tuwing kinakausap ako ni Mama noon ay nakikinig lamang ako sa kanya. Para akong piping hindi nagsasalita kapag tinatanong niya ako kung ano ang opinyon at pananaw ko sa isang bagay. Hindi ko alam kung nag-aalala ako na baka mali ang masasabi ko o natatakot ako sa magiging reaksiyon niya. Pero ngayon, panatag ko nang nailalahad ang aking mga opinyon, pananaw, at mga nararamdaman kay Mama, at pati na rin sa mga taong malalapit sa aking buhay. Para akong piping natutong magsalita. Salamat kay Mama sapagkat natuklasan kong maging Mendiola ang internet na naging dahilan sa pagsasatinig at pagsasatitik ng aking mga saloobin. Malaking bagay na natuto akong ibahagi ang aking nararamdaman, ideya, at karanasan dahil alam kong makatutulong din ang mga ito sa ibang tao. Ewan ko ba! Gumagaan ang pakiramdam ko sa tuwing naipahahayag ko ang aking nararamdaman dito.