Pagbitay Sa 3 Pari: Burgos, Gomez At Zamora
An Excerpt from: Ang Himagsikan Ng Mga Pilipino
‘La Revolucion Filipina’
Sinulat ni Apolinario Mabini
Dakilang Bayani at Utak ng Himagsikan
Isinalin sa Tagalog mula sa English translation by Leon Ma. Guerrero
Pagbitay Sa 3 Pari: Burgos, Gomez At Zamora
NAGTAGAL lamang ang ganitong pagkukubli hanggang kinakailangan pang umikot sa paanan ng Africa o ng America ang mga taga-Europa na nais maglakbay sa Dulong Silangan, nuong bago nagkaroon ng corriente at mga barkong di-makina, nuong mabagal at malayo pa ang pagpunta sa Pilipinas. Nang buksan ang Suez Canal, nabuksan din ang Pilipinas sa kalakal ng buong daigdig. Kabilang ang España sa mga malayang kabihasnan kaya hindi nito naipagpatuloy na hadlangan ang pakikipag-ugnayan ng mga taga-Europa sa mga Pilipino. Isa pa, walang sapat na lakas at hukbo ang España upang labanan ang anumang bansa sa Europa na nagtangkang magkalakal sa kapuluan.
Dahil naman sa paggamit sa corriente, bumilis ang balitaan at pakitunguhan ng mga Pilipino at ng mga taga-Europa, at nagising ang mga taga-Pilipinas sa mga makabago at kakaibang pag-iisip na nagpasukan sa kapuluan. Naging ganap ang paggising ng mga Pilipino nuong manawagan ang mga Pilipinong pari, sa pangunguna ni Padre Burgos, sa hari ng España at sa Papa sa Roma na ibalik sa kanila ang mga paroco na inagaw sa kanila at ibinigay sa mga frayle ng pamahalaan sa Manila.
Hiningi nilang ibigay sa mga pari, hindi sa mga frayle, ang lahat ng paroco, ayon sa inuutos ng batas ng catholico. Dahil tiyak ang pagkatalo nila sa asunto, pinalabas ng mga frayle na ang mga nanawagan ay mga naghihimagsik na nais sakupin ang mga paroco upang labanan ang pagsakop ng España sa Pilipinas. Inangkin ng mga lipunan ng mga frayle na sila lamang ang nagpapatibay ng pagsakop ng Español sa Pilipinas, at kapag inalis sila sa kapangyarihan, matatapos ang paghahari ng Español sa kapuluan, gaya daw ng nangyari sa Mexico, na nakatiwalag mula sa pagsakop ng España sa pangunguna ng mga paring paroco.
Sa mga pari, huwag sa mga frayle
Habang nagtatalo ang mga frayle laban sa mga pari, nag-aklas ang mga sundalo ng sandatahang Español sa Cavite. Hinayag ng mga frayle na ang mga may pakana ng aklasan ay ang mga pari na umaagaw sa mga paroco. Ang mga pinuno ng mga nanawagang pari ay hinatulang mabitay. Ang paglitis sa kanila ay ginawa nang lihim, mabilis na tinupad ang pagbitay, at ipinagbawal sa lahat na pag-usapan ang pangyayari. Dahil dito, walang Pilipinong naniwala na kasangkot ang mga pari sa aklasan sa Cavite at hanggang ngayon, panalig ng mga tao na walang sala sina Burgos, Gomez at Zamora.
Totoong bibitayin na, hindi pa rin nakapaniwala si Burgos na uutasin ang buhay niya dahil sa panawagan niya para sa mga Pilipinong pari. Subalit sila ay mga paring christiano at sila ay namatay tulad ni Christo, itinatwa sa mga kasinungalinan ng mga frayle dahil tinangka nilang kunin ang mga paroco, ang sandigan ng kapangyarihan at paghahari ng mga frayle sa mga tao. Kaya, kahit nagsikap sina Burgos, Gomez at Zamora para lamang sa kanilang mga kauri na mga Pilipinong pari, itinatanghal pa rin sila ng lahat ng tao at pinagpipitagan bilang mga martir. Nasawi sila dahil sa paghangad ng katarungan, at dahil sa kataksilan ng mga mananakop na Español.
Nagmulat sa mga Pilipino
Ang kaharian sa España ay walang muwang, at sadya namang ayaw malaman ang mga kagagawan ng mga frayle sa Pilipinas at pagpapahirap sa mga Pilipino. Unang una, ang mga frayle na pulos mga Español ang naghahari sa bawat paroco sa kapuluan. Sila ang nagsusuplong sa sinumang nakaaway nila, ipinadadakip sa mga Guardia Civil upang pahirapan at saktan, at ipinapatapon ng pamahalaan sa labas ng bayan. Ang mga sumuway sa utos ng mga frayle ay tinatanggal sa tungkulin, – kahit na ang mga ministro sa España. Pati na ang mga mapagpalaya ay sunud-sunuran sa utos ng mga frayle.
Ipinabitay ng mga frayle sina Burgos, Gomez at Zamora, upang turuan ng ‘leccion’ ang mga tao at matakot ang mga ito na kumalaban sa kanila. Ngunit kabaligtaran, ang pagpatay nang walang katarungan ay nagpaalab hindi ng takot kundi ng pagkamuhi sa mga frayle, at ng dalamhati at pakikiramay sa mga pinaslang. Mistulang himala, ang pagbitay ang siyang nagmulat sa mga Pilipino sa kalagayan nila, kung anong uri ng buhay ang dinaranas nila. Mahapdi ang paggising na ito, at lalong naging mahirap ang mamuhay pagkatapos.
Subalit kailangang magsikap ang mga tao na mabuhay.
Paano? Hindi nila alam, at ang hangarin nilang malaman, ang matuto, ay lumaganap sa kapuluan at sumakop sa damdamin ng mga kabataan. Ang tabing ng kawalang muwang, hinimay at ginamit na pantakip nang daan-daang taon, ay nalaslas na, sa wakas, at hindi na nagtagal ang pagsinag ng liwanag. Ang bukang-liwayway ng panibagong araw ay malapit na.