ANG AMBAHAN NI AMBO
Ed Maranan
Balisang nagising si Jack, malakas ang kabog ng dibdib. Uminom siya ng isang basong tubig. Kay samang panaginip! Nagkaroon ng malaking sunog sa bundok ng Halcon, umabot sa pinakatuktok. Natupok lahat ang mga puno at damo. Paghupa ng apoy ay siya namang pagdilim ng mga ulap, na sinundan ng ilang araw na bagyo at bugso ng ulan.
Nalusaw ang lupa at bato sa bundok ng Halcon, at unti-unti itong dumausdos patungong kapatagan, tangay ang lahat ng naiwang buhay na mga tao at iba pang nilalang. Nagtatangisan ang mga Mangyan sa pagkagunaw ng kanilang daigdig – habang siya ay walang puknat ang takbo. Hindi niya malaman kung nasaan na ang kaniyang Ate Anne at mga magulang…
Umaga na pala. Pagbangon ni Jack ay dumungaw siya agad sa bintana. May tilamsik ng liwanag sa ituktok ng Halcon. Ang bundok ay parang isang tahimik na tanod, luntian at matayog. Bihira niyang makita itong walang suklob na ulap, tulad ngayon. Read the rest of this entry »