Sipi mula sa librong Tutubi, Tutubi, ‘Wag Kang Magpapahuli sa Mamang Salbahe
(pahina 140-143)
Sa halip ang sinabi niya, “No, Jojo, you don’t understand. Bata ka pa kasi. Balang araw, kapag naging magulang ka na, maiintindihan mo rin ang sinasabi ko.” Ayaw ko ng logic niya, pirming siya ang matanda. Pirming siya ang tama. Pirming ako ang bata, kaya pirming ako ang mali, at pirming ako lang ang dapat matuto. Pero nakapagtatakang kami na kulang sa isip ang pirming hinahanapang maging tama. Bakit kaming kulang sa isip ang kailangang umunawa sa husto raw ang pag-iisip?
Sa pag-iisa, sa aming uri ng insecurity, bakit walang makaalalang magtanong kung ano ang iniisip namin? Kung sa paghahanap ng solusyon sa problema ay mali ang makuhang paraan, nagagalit sila. Paano naman ang gagawin namin sa mundo? Tumigil na lang basta sa paghinga? A, kay hirap mabuhay sa mundo na panay bawal, wala namang magturo ng tama. Kung sa pagtanda ko’y magiging kamukha ko rin sila, hindi bale na lang. Ayaw kong tumanda. Bawal maging pilyo. Mas lalong bawal maging seryoso. (Mag-i-idiot na lang ako.) Kamukha ngayon, daig ko pa ang napagkaisahan. Nagtatanong lang naman, pero nakakagalitan. Umiiwas sa kaguluhang hindi naman ako ang may kagagawan. Para na rin akong daga na tulirong nangangapa sa lungga. Ano ang gagawin ko sa aking sarili? Para rin akong may sakit na nakakahawa na hindi basta puwedeng lumapit sa kapwa. Read the rest of this entry »