Paglisan sa Tsina
ni Maningning Miclat
(1) Isinulat ko ang una kong tula “Isn’t It?” noong high school. Labing-isang taong gulang
ako noon. Nakakatuwa iyon, ang saya ko. Nakasulat sa malayang taludturan, nakilala ko
na mayroon pala akong indayog. Nang mabasa ng mga kaibigan ko, sinabi nila na walang
katuturang tula daw iyon at tinawag ko nga na tula ng kawalang katuturan.
(2) Katawa-tawa ang panahong kinalakhan ng henerasyon ko sa Tsina. Hindi
naapektuhan ng Rebolusyong Pangkultura ang tadhana namin. Wala noong
consumerismo na tutukso sa aming mga hangarin, ni hahamon na paninindigan namin
sa Sosyalismo. Dapat kaming maging Spartan. Dapat makakuha kami ng mataas na grade
para makapasok sa magandang eskuwela.
(3) Alam naming lahat na ang mga senior student sa eskuwela namin na nakatira sa
dorm ay lumalabas sa kalsada kapag oras nang patayin ang mga ilaw para makapagaral
sa ilalim ng poste. Marami kang hahangaan doon. May isa akong kaklase na
makapagrerecite nang paabante at paatras sa buong nobelang Water Margin. Marunong
magkaligrapiya at magpiano ang isa kong pinakamatalik na kaibigan sa klase, kaya
kung maglalakad siya at maramdamang hindi tama ang lakad niya, babalik siya sa
pinanggalingan sa paniniwalang “practice makes perfect”.
(4) Pagkatapos ng klase, magkasama kaming maglalakad papuntang bus stop; at ang
tagal-tagal naming makarating sa bus. Paulit-ulit naming iwinawasiwas pataas ang aming
kanang kamay dahil baka mahulog ang iniimagine naming relo. Noon nadevelop ang
ilang kakatwang manerismong dala ko pa hanggang ngayon. Ang maganda nito, hindi
ako ngayon nahihirapan sa ginagawang rebisyon ng mga sulat dahil sa munting ehersisyo
ng pagpapabalik-balik-lakad na ginagawa ko noon sa Beijing.
(5) Marami akong isinusulat at binabasa habang nagkaklase – sa ilalim ng desk. Pag-uwi,
sumasakay ako sa swing sa laguwerta namin. Ganoon ko pinananatili ang
nararamdamang indayog para sa aking malayang taludturan. Noon ako nag-umpisang
mangarap
na maging makata at pintor balang araw.
(6) Nang matapos sa junior high school, na halos kasunod ng EDSA Revolution sa
Filipinas, bumalik na kaming mag-anak sa eskuwela. Hanggang kunin ako ng ICM sisters
ng St.
Theresa’s College. Nailathala naman ako sa student page ng World News, pahayagang
broadsheet ng komunidad Tsino sa Filipinas. Pagkatapos, nagtrabaho ako bilang isa sa
mga translator ng balita sa diyaryong iyon, nag-atubili, at huminto. Pero nalatha pa rin
ako; nagkaroon ng promoter ng mga trabaho o sa literary page, sa katauhan ng isang
makata-photographer-businessman, si G. James Na.
(7) Nag-umpisa akong dumalo sa workshop ng tula sa Filipino, na ginaganap sa Adarna
House, tagapaglathala ng mga aklat pambata. Pagkatapos sa Rio Alma Poetry Clinic,
natanggap akong kasapi ng LIRA, isang grupo ng mga kabataang makata sa Filipino.
Ako ang pinakabata noon. Iniindex ko pa ang mga salita noon sa diksyunaryong Tagalog
para makapagtugma, dahil wala naman akong makitang rhyming dictionary sa Filipino.
Kadalasan ay nagsusukat ako ng pantig para mabawasan ang mga mali ko sa wika.
(8) Nang panahong iyon, nagsusulat pa ako sa Tsino habang nag-aaral ng Filipino.
Samantala, binabasa ko sa pagitan ng mga linya ang mga liham na natatanggap ko mula
Tsina.
(9) Katagalan, matagal na matagal, pagkatapos ng crackdown sa Tian An Men, ipinadala
sa akin ng kaklase ko sa high school ang librong Tuanang Singsing na Luntian na inilathala
ng Palimbagan ng Beijing. Kalipunan iyon ng mga sanaysay na isinulat ng mga freshman
ng Unibersidad ng Peking noong magtraining military sila sa Kampo Shijachuang bago
pasimulan ang kanilang regular na klase sa kampus.
(10) Isinulat sa akin ng kaibigan kong may artikulo sa libro: “Ipinakikita ng librong ito, sa
napakatanging punto de bista, ang buhay namin noong mismong taong iyon, at
mararanansan mo dito ang pagsasama ng paglikhang pampanitikan at propagandang
pampolitika, lalo na sa military.”
(11) Naniniwala ako na nalampasan nang maluwalhati ng lahat ng kaibigan ko sa Tsina
ang 1989. Freshman ako sa kolehiyo sa UP Baguio nang maganap ang crackdown.
Huminto ako ng pagpapalathala sa World News matapos makitunggali sa isang huling
sanaysay at ilang tula sa Tsino. Pagkatapos, ipinasiya kong hindi na ako taga-Tsina, hindi
ko na wika ang Tsino.
(12) Doon natapos ang isang panahon.