Panawagan para sa mga papel para sa Ikalawang Pambansang Kumperensiya sa Pagtuturo sa Filipino
Ikinalulugod na ibalita ng Adarna House ang paparating na Ikalawang Pambansang Kumperensiya sa Pagtuturo sa Filipino na gaganapin sa ika-26 at 27 ng Oktubre, 2012 (Biyernes at Sabado) sa Quezon City. Ang kumperensiyang ito ng mga guro at mananaliksik sa Filipino ay iikot sa temang Wika at Panitikan sa Silid-Aralan. Si Dr. Bienvenido Lumbera, Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan, ang magsisilbing tagapagsalitang pandangal. Papaksain ni Dr. Lumbera ang halaga ng wika sa pagtataguyod ng kultura at pambansang pagkakakilanlan. Sa mga magaganap na panayam, magsasalita ang mga guro mula sa iba’t ibang antas ng pag-aaral ukol sa mga mungkahing pamamaraan ng pagtuturo ng Filipino.
Paanyaya sa Pagpapasa ng mga Papel
Upang pagyamanin ang pagdalo ng mga kalahok, inaanyayahan ng mga tagapag-ugnay ang mga akademiko, mananaliksik, at guro upang magpasa ng mga panukala para sa papel pampresentasyon. Sa ganitong paraan, minimithi ng kumperensiyang mapagbuklod ang mga may malasakit sa edukasyon, wika, at panitikang Filipino upang maibahagi nila ang kanilang mga pag-aaral at mabubuting kagawian.
Mga Sangay
1. Panitikang Pangklasrum ayon sa Antas o Edad
(hal. pagtuturo ng tula sa elementarya, mahahalagang babasahing pangkolehiyo, mga suliranin ng pagtuturo ng Noli at Fili, atbp.)
2. Paggamit ng Filipino sa Ibang Asignatura
(hal. paggamit ng mga aklat pambata bilang panimula sa mga leksiyong pang-agham, ang ugnayan ng mga asignaturang Filipino at English, Filipino bilang wikang panturo sa matematika)
3. Magagandang Pamamaraan ng Pagtuturo ng Filipino
(hal. demo-teaching, pagbabahagi ng lesson plan, pagbuo ng kurikulum, atbp.)
Mga Uri ng Presentasyon
Bibigyan ang bawat presentasyon ng 75 minutong mahahati sa 45 minutong pagsasalita, at 30 minutong malayang talakayan.
1. Presentasyon ng Papel
2. Demonstrasyon ng Pagtuturo / Palihan (Workshop)
Daloy ng Panukala
I. Pamagat ng Presentasyon
II. Sangay
III. Uri ng Presentasyon
IV. Layong Tagapakinig
V. Tagapagtaguyod (hanggang 2) at Pakikipag-ugnayan
Pangalan
Institusyong Kinabibilangan
Tirahan
E-mail Address
Telepono
Mobile Phone
VI. Buod
1. Ang buod ay hindi dapat humaba sa 300 salita. Gumamit ng isang espasyong pagitan para sa mga linya, Arial 10, 8.5” x 11” na papel na may 1” na espasyo sa paligid.
2. Kung ang panukala ay nakatali sa isang aralin, estratehiya, o gawain, kasama dapat sa panukala ang mga sumusunod: batayan sa teorya, mithiin, pinapaksa, daloy, at pagsusuri (assessment).
3. Kung ang panukala ay nakatali sa isang saliksik o pag-aaral, kasama dapat sa panukala ang pagpapakilala, mithiin, katanungang pansaliksik, metodolohiya, resulta, konklusyon, at rekomendasyon.
Mahahalagang Araw para sa Pagpapasa
Ipasa ang mga panukala sa Kumperensiya: Adarna House, 109 Scout Fernandez corner Scout Torillo Streets, Barangay Sacred Heart, Quezon City 1103 o sa e-mail address na [email protected]. Sa ika-30 ng Mayo, 2012 ang huling araw ng pagpapasa ng mga panukala. Maipagbibigay-alam ang pagtanggap o pagtanggi sa mga ipinasang panukala sa ika-29 ng Hunyo, 2011.
Kailangang ipaunawa ng mga tagapagtaguyod ng mga natanggap na panukala ang pagnanais nilang magbigay ng presentasyon sa o bago ang ika-16 ng Hulyo, 2012. Ang huling araw ng pagpapasa ng buong papel ay ang ika-31 ng Agosto, habang sa ika-14 ng Setyembre naman ay dapat naipasa na ang Powerpoint file at ang maikling paglalarawan ng tagapagtaguyod. Ang pagbigo sa mga kahingiang ito ay mangangahulugan ng pagkabawi sa karapatan ng tagapagtaguyod na magbigay ng presentasyon. Para sa bawat natanggap na presentasyon, hanggang dalawang tagapagtaguyod lamang ang mabibigyan ng libreng pakikilahok sa kumperensiya. Hindi rin sasagutin ng kumperensiya ang pamasahe at tulugan ng mga tagapagtaguyod.