PANDESAL
“Tinapay na may asin” ang literal na ibig sabihin ng Espanyol na pan de sal. Ang sangkurot na asin (sal sa Espanyol) marahil ang ikinatangi nito upang maging paboritong panghalili sa almusal ng isang bansang higit na nasanay kumain ng kanin.
Maliwanag na isang pamana ng kolonyalismong Espanyol ang pandesal. Ni hindi nagtatanim ng trigo ang mga Filipino nang dumating ang mga Espanyol noong ika-16 dantaon. Subalit kailangang ipag-utos ang pagmasa ng galapong na trigo para gawing tinapay dahil ito ang nakamihasnang pagkain ng mga mananakop. Bukod pa, gawa mula sa pinakapinong arina ang ostiyang Kristiyano.
Bukod sa pandesal, nahilig ang mga Filipino sa ibang tinapay bilang meryenda at siyempre pa’y naging kakompetensiya ng katutubong kakanin at puto. Naging popular ang ibang tinapay kaugnay ng mga pistang panrelihiyon. Halimbawa, ipinasok ng mga Espanyol ang pagkain ng tinapay tuwing Setyembre 10 sa mga parokyang patron si San Nicolas Tolentino, isang ermitanyong Italyano at kasapi ng ordeng Agustino. Karaniwang inilalarawan siyang nakadamit ng itim at may hawak na liryo. Kung minsan, may hawak
siyang bulsikot o piraso ng tinapay na sumasagisag sa kaniyang patuloy na pagtulong sa mga maralita hanggang mamatay siya noong 1306.
Sa Filipinas, itinuturing na patron ng mga panadero si San Nicholas. Sa kaniyang pista binabasbasan ang pan de san nicolas, isang uri ng panecito, na pinaniniwalaang nakapagpapagaling ng karamdaman.
Mga Tsinong bihasa mula pa noong panahon ng dinastiyang Sung sa paggawa ng pinasingawan at hinurnong tinapay ang unang nangasiwa sa mga hurnong Espanyol sa Intramuros. Hindi kataka-takang mga Tsino ang unang sumikat na may-ari ng panaderya sa Maynila at sa mga poblasyon sa probinsiya.
Isa namang paborito tuwing Pasko ng Pagkabuhay, Todos los Santos, at Pasko ang matamis at mamantekilyang ensaymada. Winisikan lamang ng puting asukal ang tradisyonal na ensaymada. Nadagdag ang kinudkod na keso, karaniwang Eden, nitong Peacetime sa Maynila. Bago magkadigma sinasabing ipinasok ang pagpapalamuti ng itlog na pula at kesong puti sa ensaymada ng Malolos, Bulacan.
Samantala, bukod sa tradisyonal na galyetas at biskuwit, napuno ang estante ng panaderya sa iba’t ibang tinapay na may sari-saring palaman at pampalasa. Maituturing na Filipino ang mga tinapay na may lahok na niyog at saging. Hindi rin nanatili sa almusal kasama ng kape ang pandesal. Ibinabaon itong sandwits, gaya ng naging turing sa mahigpit nitong kalaban—ang pan amerikano, isang mahaba, malambot, at tinitilad na tinapay, na naging popular nitong panahon ng Amerikano.
Naging pamantayan din ang pandesal ng ekonomyang pambansa. Itinuring ang patuloy nitong pagliit bilang patunay na tumataas ang presyo ng inaangkat na arina, at samakatwid, na humihina ang halaga ng piso. Naging pagkakataon naman ito sa naging malakas na benta nitong dekada 70 ng hot pandesal—na maliit nga ngunit dahil sa bagong teknolohiya’y napananatiling laging mainit.
Source: DepEd’s Learner’s Package for Grade 7 in Filipino