Pork Empanada


ni Tony Perez

Madalas ka ba sa Katipunan?

Siguro’y nakita mo na ang Frankie’s Steaks and Burgers, sa tabi ng bagong Cravings, malapit sa Lily of the Valley Beauty & Grooming Salon. Kung nakita mo na iyon, nakita mo na rin siguro si Bototoy.

Lunes hanggang Sabado, inaakyat ni Bototoy ang liku-likong landas mula Barangka hanggang service gate sa likod ng Ateneo Grade School, kasama ng tatay niyang maintenance engineer sa paaralan at ng mga kalaro niyang sina Nono, Itoc, at Radny. Karamihan sa mga batang umaakyat doo’y humihimpil sa malawak na covered
court ng College, sa tabi ng Our School, malapit sa Obesrvatory, kung saan sila nagaabang ng magba badminton at tennis na tatawag ng pulot boy. Si Bototoy naman ay hindi humihimpil doon. Lalakarin niya ang malayu-layo pang Gate 2, at doon ay tatawid siya sa Katipunan, upang maupo sa sentadong island sa harap ng Frankie’s Steaks and Burgers.

Natatandaan mo na ba siya?

Anim na taong gulang si Bototoy. Ahit ang kaniyang ulo maliban sa tumpok na buhok sa ibabaw ng kaniyang noo. Mabilog at masigla ang kaniyang mga mata. Mabilog din ang kaniyang pisngi, lagi siyang nakangiti, at mayroon siyang mga ngipingkuneho. Suot-suot niya’y kamiseta’t shorts at sandals na Happy Feet na laging kupas at maluwang, pagkat pinaglakhan ng kaniyang mga kapatid. Maliit si Bototoy, kaya’t di siya humihimpil sa covered court. Doon ay lagi siyang nauunahan sa pagpulot ng bola nina Nono at Itoc at Radny at ipa pang batang

Barangkang higit na maliksi at higit na malaki sa kaniya. Kaya nga’t isang araw ay napadpad siya sa harap ng Frankie’s Steaks and Burgers, at doon ay nagkusa siyang mag-watch-your-car. Kaniya-kaniya ang lugar na iyon, pagkat ang ibang bata’y nasa harap ng Shakey’s at ng Jollibee at ng McDonald’s at ng Kentucky’s, sa iba pang mga bahagi ng Katipunan, kung saan marami at sunud-sunod ang pumaparadang sasakyan. Bagamat mangilan-ngilan nga lamang ang tumitigil sa harap ng Frankie’s ay kuntento na
si Bototoy – kahit kung minsan ay hindi siya inaabutan ng kahit singko, at kung minsan ay hindi siya pinapansin, at kung minsan ay binubulyawan pa siya ng may-ari ng sasakyan.

Kung mahina ang raket ay magdamag siyang nauupo sa sementadong island sa harap ng Steaks and Burgers, na parihaba niyang trono, maalikabok tuwing tag-init at tuwing tagulan ay maputik. Ngayon – naaala’la mo na ba siya?

Labing-isa ang kapatid ni Bototoy – ang apat na panganay ay nagsipagasawa’t mayroon nang pamilya. Ang sumunod pang apat ay nagtapos ng hay iskul at kasalukuyang iginagapang ang pag-aaral ng tatay nilang maintenance engineer at ng nanay nilang hilot. Ang sumunod na dalawa’y nasa elemetari pa. Si Bototoy at ang bunsong si Nining ay pinagpasiyahang huwag munang pag-aralin, pagkat libre man ang matrikula’y sakit ng ulo ang pambili ng gamit at kasangkapan sa mga prodyek. Paboritong kapatid ni Bototoy si Nining.

Tuwing papanaog sa Barangkang kasakasama ng tatay at mga kalaro, bago umuwi’y nagdaraan siya sa tindahan ni Aling Rory: sa gaano mang kaliit na kinita sa pagwa-watch-your-car ay ibinibili niya ang bunso ng kahit na anong munting pasalubong: isang supot na Oishi o Ding Dong o Tomi, o dalawang balot na Choc-Nut o Kripy Bar o Cloud 9, o tatlong pirasong White Rabbot o Snow Bear o Judge. Saka lamang siya papasok at susuot sa pasikut-sikot na looban, tungo sa kanilang tinitirhan. Sa may poso pa lamang ay tanaw na niya ang malinggit na si Nining, nakaupo sa may pintuan, naghihintay, nakadamit at sadals na Happy Feet na kupas at maluwag din, ang mga mata’y mabilog at masigla rin, ang mga pisngi’y mabilog din. Nakangiti. At tulad niya’y mayroong mga ngiping-kuneho.

Pagkatapos maghapunan ng patis at kangkong, o kung minsa’y bagoong, sina Bototoy at Nining ay tumutulong sa nanay sa pagtitiklop ng sinampay, pagkatapos ay nakikipanood ng telebisyon sa kapitbahayna sina Aling Mela. Bago mag-alas-otso’y pinapapanhik na sila, kaya’t naglalaro’t naghuhuntahan na lamang sa magkabila ng maliit nilang kahon ng mga laruang plastik.

“Bukas, Kuya, ano’ ’uuwi mo?” laging tanong ni Nining.

“’Di ko sasabihin, sorpresa,” lagi namang sagot ni Bototoy.

“Marami’ klase’ kendi?”

“Maraming-marami. ’Pag marami’ ’ko’ makuha’ pera, mas marami’ ’ko’ mabibili.”

“Kuya, sa’n ka ku’kuha’ pera?”

“Sa Katipunan. Don ako nagtatrabaho.”

“Do’n sa trabaho ni Tatay?”

“Hindi, mas malayo pa. Tatawid ka pa. Mi’san, kung gusto mo, ‘sasama kita.”

“Gusto ko, Kuya.”

At tulad ng dati, magbibida si Bototoy tungkol sa kaniyang pagwa-watch-yourcar
sa harap ng Frankie’s. Tungkol sa mga taong nagagawi roon. Tungkol sa kanilang mga
kasuotan. Tungkol sa kanilang mga sasakyan. Tungkol sa minsa’y nag-abot sa kaniya ng
limang piso.

Si Nining ay mangangarap ng kendi at damit at laruan. At si Bototoy naman ay
mangangarap nng pagbabantay ng pagkarami-raming sasakyan, sa harap ng Frankie’s
Steaks and Burgers, sa Katipunan.

Madalas ka ba roon?

Siguro’y narinig mong tunay na masarap ang pagkain doon. Taga-Mabalacat
ang may-ari at ubod ng linamnam ang kaniyang tenderloin at t-bone at spare ribs at
Hawaiian at Salisbury at a la pobre at beef teriyaki at tocino at skinless at tapa at arroz
a la Cubana, na laging hanap-hanap ng nagsisidayo roon. Maliit at makitid ang puwesto,
ngunit malinis at naka-aircon. Nakagigiliw sa paningin ang mga ilaw na pendiyente sa
ibabaw ng mga mesa, at laging may masayang tugtugin. Sa tabi ng kaha, may lata-latang
turrones de casuy at basket-basket na petit fortunes at gara-garapong yemas at balotbalot
na espasol at bote-botelyang garlic peanuts.
Pero iisa ang pambato ng Frankie’s Steaks and Burger – di lamang sa mga regular
na parokyano kundi sa lahat ng nagsisidaan, pagkat sa tabi ng pintuang salamin ay may
aluminyum na bintanang pan-take-home, at sa ilalim ng bintana’y may makulay na
paskil na tinitikan ng pentel pen na pula at asul sa isang parisukat na pirasong dilaw na
kartolina:
FRANKIE’S ESPECIAL
PORK EMPANADA
P 10.50
Nakakain ka nab a ng pork empanadang iyon?
Uma-umaga, tangha-tanghali’t hapon-hapon, di iilan ang nagsadya sa Katipunan
at tumigil sa harap ng Frankie’s at kumatok sa bintana at nag-order ng pork empanadang
iyon: isa-isa, dose-dosena, grosa-grosa – pambaon, pangmeryenda, panregalo, panghain
sa bisita. Di rin iilan ang nag-order at doon mismo kumain, kung hindi sa tapat ng
bintana’y sa harap o gilid ng munting restawran, at kung hindi sa harap o gilid noon
ay sa nakatigil nilang sasakyan. Lagi silang pinanonood ni Bototoy, nakatuntong sa
sementadong island, tahimik at nag-iisa.

Minsa’y isang binata at isang dalaga ang nagparada ng Galant, at nag-order ng pork empanada at Coke, at doon nagpalamig sa loob ng sasakyan.

“Bos, watsyorkar,” magalang na mungkahi ni Bototy, na winalang-bahala lamang ng dalawa, palibsahang may masayang biro silang pinagtatawanan. Muling naupo si Bototoy sa sementadong island. Pagkat bukas ang bintana ng Galant, dinig ni Bototy ang kanilang usapan habang sila’y kumakain, maging sa kaniyang kinauupan:

“I always buy this, it’s so ‘sarap,” sabi ng dalaga.

“’Galing the crust,” sabi ng binata.

“Yeah, it’s so manipis and it’s so malutong, ‘di ba?”

“When you bite it, it’s like manamis-namis.”

“This one’s really, really, really may Tita’s favorite. She’ll go out and make lakad just to buy. It has giniling with no taba, and bacon bits, and chips, and raisins, and water chestnuts, and chopped onions and carrots, and grated cheese. So diff’rent from the commercial ones you buy in other places, how harang, it’s all potatoes and it’s so maalat and it tastes like flour.”

Matapos magmirindal ay hinagis nila sa labas ang mga basyong plastik, na matapos inuma’y kinuyumos muna’t pinilasan, at ang mga pirasong wax paper na pinagbalutan ng empanda, at ang manipis na sorbelyeta.

Sabi ni Bototoy sa kaniyang sarili, “Pag yumaman ako, kakain ako no’n.”

Pinagmasdan niya ang dilaw na paskil, at ang aluminyum na bintana, at ang weytres na naroo’t nag-aayos ng bunton-buntong pork empanadang nangagkabalot ng wax paper sa mga plastik na bandeha.

Sinuksuk ni Bototoy ang isa niyang kamay sa kaliwang bulsa ng maluwang niyang shorts: doo’y may dalawang beinte-singkong bagol. Sinuksik ang kabila sa kanang bulsa: isang diyes, tatlong singkol, dalawang mamera. Matagal-tagal pa, at marami pang sasakyang babantayan, bago si makabili ng kahit isang pork empanada.

Kung sana’y malaki-laki lamang siya, nang makapag-pulot-boy sa covered court, o kaya’y makapangagaw ng iwa-watch-your-car sa harap ng Shakey’s at ng Jollibee at ng McDonald’s at ng Kentucky’s!

Tatlong piso at kuwarenta sentimos lamang ang kinita niya sa buong maghapon. Nang sunduin niya ang tatay niysa sa Maintenance Department ay tahimik siya’t malayo ang tingin. Kagyat na naisip ng tatay niya’t mga kalaro kung siya’y nadapuan ng sakit, ngunit dahilan niya’y napagod lamang siya sa kawa-watch-your-car sa harap ng Frankie’s. Sa tindahan ni Aling Rory ’y matagal niyang pinagmunimunihan ang ipapasalubong sa bunsong kapatid. Nakuntento siyang bumili ng isa balot na ruweda.

May dalawang piso’t labimpitong sentimo siyang natitira – imbes ibili ng lastiko o holen o teks o ihulog sa alkansiya ng nanay ay maitatabi niya. Bilang simula ng kaniyang pagiipon. Noong gabing iyon, bago ganap na makatulog ay nanagimpan siya ng masarap na buhay na walang takot at walang pagod at walang sakit at walang kakulangan sa pera at walang problema, at sa pinilakang tabing ng kaniyang diwa’y kasama niya si Nining, at sila’y nagbibiruan, at sila’y nakasakay sa isang (maliit, mangyari’y panagimpang-bata) Galant, at sila’y nagparada sa harap ng Frankie’s, at sila’y nag-order ng pork empanada at Coke, at doon sila nagpalamig sa loob ng sasakyan.

Pagdilat niya’y maliwanag na sa labas, at yinuyugyog siya sa balikat ng tatay niya.

“Toy – sasama ka ba?” dinig niyang bulong ng tatay niya.

“Opo,” tugon niya, bagamat talos niya na sa umagang iyon ay manghuhuli sina Nono at Itoc at Radny ng alupihang-dagat sa San Roque, at noong makalawa lamang ay naghanap siya ng malinis na basyo ng Ligong paglalagyan, at nagpaalam siya sa nanay.

Dalawang piso lamang ang kinita niya noong araw na iyon, kayat sa tindahan ni Aling Rory ’y higit pa siyang nagmunimuni bago nagpasiyang bumili ng apat na pirasong Tootsie Roll, na siyang pinasalubong niya kay Nining. Ang basyo ng Ligong ginawa niyang sisidlan ng sinsilyo’y kaniyang nadagdagan – nang kaunti lamang, gayunpama’y nadagdagan. Inalog niya iyon at pinagmasdan. At inisip na sa loob ng sanlinggo’y maaaring mangalahati na ang laman niyon. At inisip din na sa loob ng isang buwan ay makabibili na siya ng pork empanada. At muli niyang inalog at pinagmasdan.

“Nag-iipon ako, Nining,” pagtatapat niya sa bunsong kapatid, bago niya ibinaon ang basyo sa ilalim ng maliit nilang kahon ng mga plastik na laruan. “’Pag marami na ’ko’ pera, bibili tayo’ empanada. Masarap iyon.”

“Parang litson, Kuya?” usisa ni Nining.

“Mas masarap. Mayayaman ang kumakain no’n.”

“Sa bertdey ko, Kuya?” usisang muli.

“Oo. ’Pag marami na ’ko’ pera. Kakain tayo do’n.”
At sandaling nagliwanag sa isip ni Nining ang larawan ng sari-saring maririkit na
kainan, na madalas nilang matanaw ng nanay mula sa mga dyipni at bus na kanilang
nasasakyan.
Tulad ng maraming kainan sa Katipunan, hindi ba?
Tulad ng mga kainan doon na hinihimpilan ng mga batang watch-your-car. Sa harap ng Shakey’s, at ng Jollibee, at ng McDonald’s at ng Kentucky’s at ng Frankie’s Steaks and Burgers.

At Isa si Bototy sa mga batang iyon, kaya’t siguro’y nakita mo na siya. Pagkat kinabukasa’y naroroon na naman si Bototoy, naghihintay at nagbabantay. Uma-umaga, tangha-tanghali, hapon-hapon. Nakilala niya ang mukha ng pagtitiyaga at ng pagtitiis, at ng pagsisikap, at ng pag-aasam, at ng pagbabakasakali. Ng ginhawa ng pagpanhik sa bahay na may bulsang puno ng sinsilyong kumakalansing. Ng lungkot ng pagkaalat, ng paghiga sa banig na malakas ang pagnanasang makabawi kinabukasan. At kinabukasan pa. At kinabukasan na naman. At kinabukasang muli. Datapuwat sa pagdaan ng mga araw, ang sisidlang basyo ng Ligo’y nangalahati rin, at dumami ang nilalaman. Nang bilangin ni Bototoy ang sinsilyo’y umabot na sa
beite-uno, at maibibili na niya ng pork empanada para sa kanilang dalawa ng bunsong
kapatid.

“Bukas tayo bibili,” malapad na ngiti ni Bototoy. Naghagikgikan sila at nanggigil sa tuwa, at nagsilitaw ang kanilang mga ngiping-kuneho.

Madaling-araw pa lamang ay gising na gising na ang magkapatid. Nagbihis si Nining ng kaisa-isa niyang barong panlakad – kulay-koton kendi at may kuwelyong maypalibot na kulay-sapin-sapin at malaking lasong kulay-koton kendi rin – na binibihisan lamang tuwing may binyag o kasal o pistang-bayann o simbang gabi o dalaw-aginaldo.

Nagpulbos siya’t nagsuot ng hikaw niyang plastik at hugis-bituin. Si Bototoy naman, pagkat walang sariling maayos na panlakad ay nagsuot pa rin ng maluwang niyang shorts, at ng kamisetang may dibuhong kupas na oso at mga titik na “so happy summer day be many friends”, na hiram sa nakatatandang kapatid.

“Papasyal ang dalawa, ha,” biro ng nanay nang sila’y paalis na.

“’Be-bertdey parti kami Kuya,” masayang bitiw ni Ninging, at humawak siya nang
mahigpit sa kamay ni Bototoy.

Inakyat nila ang liku-likong landas mula Barangka hanggang service gate sa likod ng paaralan, kasama ng tatay nila at nina Nono, Itoc, at Radny. Nagdaan sila sa covered
court, at nilakad ang malayu-layo pang Gate 2, at doon ay tumawid sila sa Katipunan,
patungong Frankie’s Steaks and Burgers.

Samatala’y malihis muna tayo. Kung madalas ka nga sa Katipunan, at kung nakita mo na nga ang Frankie’s Steaks and Burgers, at kung nakakain ka na nga ng Frankie’s Especial Pork Empanada, nakita mo
na rin siguro ang weytres na madalas matoka sa aluminyum na bintana roon.

Noong umagang iyon ay muling gumising nang may toyo sa utak ang weytres. Noong kasing nakaraang linggo at nagsara sila ng kainan, nang magbilangan ng pera’y natuklasang kulang ng beinte-uno ang kabuuang bayad sa empanada. Sinabunan ng may-ari ang weytres sa pagiging burara, at pinaghinalaan pang nangupit ng dalawang empanada. Bagamat di siya inawasan ng sahod, labis na dinamdam ng weytres ang
pangyayaring iyon. Totoo ngang siya’y burara – bukod sa suplada at masungit at laging
nakaismid – ngunit sa pangungupit ng empanada’y wala siyang kasalanan.

Noong umagang iyon, nang ipasok ng nagdedeliber ang mga kahon ng sariwang empanada, isa-isa yaong binuklat ng weytres, at ang nilalaman ay maingat niyang binilang. Inayos niyang bunton-bunton sa mga plastic na bandeha. Dinala’t pinatong sa pasemano ng aluminyum na bintana. At hinugot ang drower sa ilalim ng bintana, upang ilabas ang librito ng mga resibong puti at rosas at pirasong carbon paper at bolpen na matagal nang nawawala ang takip (at bunga ng kaniyang pagiging burara).

Noong umagang iyon – bago dumating sina Bototoy at Nining – ang nalalabing mga resibong puti sa librito’y naubos. Muling hinugot ng weytres ang drower sa ilalim ng bintana – sa sulok kasi niyon ay may nakasalansang mga buong librito. Nang humila siya ng librito, dalawang empanada ang nasagi ng kaniyang kamay. Nangakabalot pa ng wax paper, ngunit papanis na – noong nakaraang linggo’y nahulog sa drower at natulak sa loob (na bunga rin ng kaniyang pagiging burara).

Nakaramdam ng inis ang weytres. Naalala niya ang masasakit na salitang bitiw ng may-ari ng kainan, at ang paghihinala nitong nangupit siya ng empanada. Nakaramdam din siya ng itim na gala – galak ng paghihiganti, at galak ng pagwawagi.

Napaisip ang weytres. Hawak-hawak niya ang mga empanada sa kaniyang mga kamay: parang dalawang shoulder pads ng blusang dapat niyang tubusin sa mananahi mamayang gabi. Parang dalawang malalaking kwei, mga pulang kahoy na pinahagis sa kaniya sa templong Tsino, minsang samahan siya ng kaibigan upang magpahula ng magandang hanapbuhay.

Nang sandaling iyon ay may kumatok sa aluminyum na bintana, at pagsungaw ng weytres ay may dalawang maliit na batang naroroon, nakatingala sa kaniya, mabibilog at masisigla ang mga mata, mabibilog din ang mga pisngi, nakangiti, at may mga ngipingkuneho.

“Pabili po ng dalawa’ empanada,” bati ng batang lalaki.

At bilang kaganapan ng itim niyang galak ay kinuha ng weytres ang beinte-unong abot-abot ng bata, at iyon ay lihim niyang binulsa, iniabot naman niya ang dalawang lumang empanada.

“’Upo tayo, Nining,” ngiti ni Bototoy, dala-dala ang kanilang kakanin. Upang di marumhan ang damit ng kapatid ay pinagpagan niya ng alikabok ang isang bahagi ng sementadong island. Naupo silang magkasiping, nagngingitian, naghahagikgikan at nanggigigil sa tuwa.

“Dito ‘ko nagtatrabaho,” pagmamalaki ni Bototoy, at pinagmasdan ni Nining nang buong pagmamangha ang kanilang kapaligiran. Maingat nilang binuklat ang wax paper, at masayang tiningna ang mga
empanada, at masaya yaong sinubo, at kinain nang marahan upang namnamin ang lasa’t
di nila agad maubos.

“Kaka’nin mo’ balat, Nining, kasi malutong,” bilin ni Bototoy,
“Masarap, Kuya.”
“Masarap.”
Sa Katipunan, patuloy na nagdaan ang mga sasakyan, mabilis at mabagal