Pulangi: Ang Ilog na Humubog sa Maraming Henerasyon


Pulangi: Ang Ilog na Humubog sa Maraming Henerasyon

Sipi mula sa Regional Profiles: Peoples and Places (Adarna House, 2009)

Hanggang kamakailan lamang ay sa Ilog Pulangi umiinog ang mundo ng mga taga- Gitnang Mindanao. May dalawang pangunahing direksiyon lamang ang Maguindanao: ilod; pababang agos; at laya, pasalungat sa agos.

Itong ilog na tinatawag ring Rio Grande de Mindanao ay tumatawid pababa sa kanlurang bahagi ng Lungsod Cotabato, at pasalungat na sumusuot sa agos–pasilangan, pahilaga, at patimog–sa mga lalawigan ng Maguindanao, Hilagang Cotabato, Sultan Kudarat, Bukidnon, at Agusan. Ang mga lalawigang ito, maliban sa Bukidnon at Agusan, ang bumubuo sa dating binansagang Imperyo ng Lalawigang Cotabato.

Sa loob ng ilang henerasyon, mula sa panahon ng aking lolo sa tuhod hanggang sa noong ako’y bata pa, ay ito ang naging pangunahing rutang pangkalakalan ng rehiyon.

Kahit ang galeon ng Espanyol at Olandes, at maging ang mga bapor ng Britanya, ay naglayag mula sa karagatan patungong Salimbao ng Nuling, ang luklukan ng Sultan ng Maguindanao. Umangkat sila ng maraming kalakal, kabilang na rito ang gutta percha, isang uri ng likido na parang kola, na ginagamit ng mga taga-kanluran bilanginsulator sa mga nakalubog na linya ng telepono sa Atlantiko.

Para sa aming mga bata noong dekada-70, pugad ito ng pagsasaya sa pagligo, pamamangka, paghuli ng ibon at pamimingwit. Kapag tag-araw, isinasama kami ng aking nasirang ama, na isang manlalayag, sa paghahatid ng mga pasahero’t produkto gamit ang mga bangka papunta at pabalik mula sa Lungsod ng Cotabato at sa Datu Piang, ang mga sentro ng kalakalan sa Maguindanao. Minana ito ng aking ama, si H. Muslimin Maulana, mula sa aking lolo, si Datu Timpolok Buisan, ang ama ng aking Inang si Bai Ma’mur Rahma Buisan. Ang mga Bangka’y tinawag na Fresco I, II, III, at ang pang-apat ay ipinangalan sa kapatid kong si Nasser. Hindi lang mga kargamento’t pasahero kundi pati mga guro at mga aklat pampaaralan ang itinatawid ng mga bangka sa buong rehiyon
namin.

Kahit na nagbigay ng trabaho ang industriya ng transportasyon, umusbong din sa Ilog Pulangi ang ilang industriyang masamâ para sa kalikasan. Napakaraming bangka ang humila ng balsa-balsang troso-ipinaaanod sa agos ng ilog hanggang makarating sa bukas na dagat. Ilang punongkahoy na ba ang dumaan sa Ilog Pulangi? Naramdaman lamang ang mga epekto ng labis na pagputol ng mga punongkahoy sa balanseng ekolohiko pagkalipas ng isang henerasyon.

Sa kasalukuyan, hindi na maaring mamangka gaya nang kinawiwilihan ng marami nang ako’y bata. Naghihingalo na ang ilog. Umaapaw na ito dahil sa pagguho ng lupa sa pampang nito, na dulot naman ng patuloy na pagkalbo sa kagubatan. Nakalulungkot isiping hindi na kailanman masasaksihan ng aking henerasyon at ng mga susunod pa ang ganda at ang biyaya ng Ilog Pulangi.