SABAYANG PAGBIGKAS
Wikang Filipino… Sagisag ng Pagka-Pilipino
Ni Ernest Genesis Mercado Guevara
Tagalungsod, tagalalawigan,ang iba’y nagbalikbayan
Isang lahing kinamulatan, sa isang bansa isinilang,
May sariling wika na sa puso at isipa’y nakapunla
Liping hindi ikahihiya dahil sa Pilipinas tayo nagmula.
Wikang Filipino,hatid sa madla’y karunungan
Sumasalamin sa kalinangan at damdaming makabayan,
Tulay na nag-uugnay sa pagpapahayag ng kaisipan
Nagsisilbing kawing tugon sa pag-uunawaan.
Wika’y pundasyon sa karunungang pantao
Tagapaghatid ng kaalaman at katangian ng Pilipino,
Mahalaga sa usapan at pangangatwirang totoo
Marapat na pahalagahan para sa kaunlaran at pagbabago
Matagal ng usapin pagpapaunlad sa wika ng bayan
Dahil lubos na niyakap,wikang nagmula sa dayuhan,
Dayuhang dumusta, ginulo ang isipan
Kaya ng tayo’y lumaya, nawala sariling pagkakakilanlan.
Sa ganitong kalagayan, dalubwika may mithiin
Masusing pinag-aaralan pag-unlad ng wika natin
Para matutunton ang kaganapan ng lahat ng naisin
Ang mapayabong pa ang lahat ng mga wikain.
Upang matugunan ang suliranin ng sambayanan
Wikang magbibigkis, siya nating kailangan
Kung wikang Filipino ang gagamitin sa araw-araw
Tiyak itong epektibo , mga gawa’y makabuluhan.
Wika nati’y yayabong kung tatanggapin ang pagbabago
Na gamitin ang diyalekto at salitang hiram sa kausap mo,
May batas na nagpapahintulot na pag-aralan ang mga ito
Huwag lang kalilimutan ang wika nati’y Filipino.
Sagana ang Pilipinas sa mga katutubong wikain
Iba-iba ang bigkas at diin ngunit ito’y Filipino pa rin,
Saanman dako ng bansa malaya nating gamitin
Ilokano, Sambal, Ivatan, Ifugao na sariling atin
Kilos na kababayan, wika natin ipagmalaki
Ito na ang panahon ng ating pagbubunyi.
Ngayon ay buwan ng mga wikang tatak ng ating lahi.
Wikang Filipino… wika ng liping kayumanggi.