Si Tuwaang at ang Dalaga ng Buhong na Langit


Sa Kaharian ng Kuaman, may isang lalaking nagngangalang Tuwaang. Tinawag niya ang kaniyang kapatid na si Bai.
Lumapit si Bai, at ito ay nagdala ng nganga. Ang magkapatid ay ngumuya ng nganga. Sinabi ni Tuwaang na may dalang mensahe ang hangin na pinapapunta siya sa kaharian ni Batooy, isang bayani sapagkat may dalagang dumating sa kaharian ngunit hindi siya nakikipag-usap sa mga kalalakihan doon, kaya pinatawag ng isa sa mga kalalakihan ang hangin para ipatawag si Tuwaang.
Hindi pumayag si Bai sa gagawing paglalakbay ni Tuwaang. Kinakabahan si Bai sa maaaring mangyayaring masama kay Tuwaang. Pero hindi nakinig si Tuwaang sa sinabi ni Bai. Agad-agad na naghanda si Tuwaang at isinuot ang kanyang mga armas. Kinuha niya ang kaniyang sibat at kalasag at tinawag ang kidlat upang dalhin siya sa lugar ng Pinanggayungan.
Pagkarating doon ay bumisita siya sa bahay ng Binata ng Pangavukad. Sinamahan siya ng binata ng Pangavukad sa kaniyang paglalakbay.
Sila’y nakarating sa tahanan ni Batooy. Humiga si Tuwaang sa tabi ng dalagang nagbalita sa kaniya at kaagad na nakatulog. Bumunot ang dalaga ng isang buhok ni Tuwaang na nakalawit. Nagsalita ang dalaga at nakilala na nila ang isa’t isa.
Ang dalaga ay ang Dalaga ng Buhong na Langit. Tumakas siya at nagtatago mula sa Binata ng Pangumanon, isang higante na may palamuti sa ulo na abot ang mga ulap. Gusto siyang pakasalan ng binata ngunit tinanggihan niya ang alok.
Nagalit ang binata at sinunog ang bayan ng dalaga. Sinundan niya ang dalaga saan man siya mapadpad at sinunog niya ang mga bayan na pinagtataguan ng dalaga, kaya naghanap ang dalaga ng pagtataguan sa mundong ito.
Pagkatapos magkuwento ang dalaga kay Tuwaang, dumating bigla ang Binata ng Pangumanon, balot ng apoy, at pinagpapatay niya ang mga tao sa kaharian ni Batooy.
Naglaban si Tuwaang at ang Binata ng Pangumanon gamit ang kanilang mga sandata. Ngunit magkasinlakas silang dalawa, at nasira ang kanilang mga sandata. Tinawag ng Binata ng Pangumanon ang kaniyang patung, isang mahabang bakal. Ito’y kaniyang ibinato at pumulupot kay Tuwaang. Lumiyab ito ngunit itinaas ni Tuwaang ang kaniyang kanang bisig at namatay ang apoy. Tinawag ni Tuwaang ang kaniyang patung at ibinato sa binata. Lumiyab ito at namatay ang binata. Pagkatapos ng labanan ay binuhay niya ang mga namatay na tauhan gamit ng kaniyang laway. Dinala niya ang dalaga sa kaniyang bayan sakay ng kidlat.
Ikinuwento ng Gungutan na nakita niya sa kaniyang panginip na darating si Tuwaang sa Kawkawangan. Inalok naman ni Tuwaang ang Gungutan na sumama sa paglalakbay niya; tinanggap naman ito ng Gungutan. Tumuloy na sila sa paglalakbay.
Nakarating si Tuwaang at ang Gungutan sa kasal. Dumating ang Binata ng Panayangan, na nakaupo sa gintong salumpuwit, ang Binata ng Liwanon, ang Binata ng Pagsikat ng Araw, at ang Binata ng Sakadna, ang ikakasal na lalaki, at kaniyang 100 pang tagasunod. Nakiusap ang Binata ng Sakadna na linisin ang mga kalat sa kasal (o mga hindi imbitado/kailangang bisita) ngunit sinagot naman siya ni Tuwaang na may pulang dahon (mga bayani) sa okasyon.
Nagsimula ang mga unang seremonya ng kasal. Binayaran ng mga kamag-anak ang mga savakan (mga bagay para sa babaeng ikakasal at mga nakabalot na pagkain na inaalay ng mga kamag-anak ng lalaking ikakasal) ng babaeng ikakasal, hanggang may naiwang dalawang hindi mabayaran. Umamin ang Binata ng Sakadna na hindi niya kayang bayaran ang dalawang bagay, pero tinulungan siya ni Tuwaang gamit ng paglikha ng isang sinaunang gong bilang kapalit sa unang bagay at gintong gitara at gintong bansi (o gintong plawta) sa pangalawang bagay.
Lumabas ang Dalaga ng Monawon, ang dalagang ikakasal para magbigay ng nganga sa lahat ng bisita. Pagkatapos niyang bigyan ang lahat ng panauhin ng nganga, umupo siya sa tabi ni Tuwaang. Nagalit ang Binata ng Sakadna. Hinamon ng binata si Tuwaang sa labas ng bahay. Ang Gungutan, samantala ay nakapatay na ng mga kasama ng binata hanggang sa anim na lang ang natira. Nagkipaglaban ang dalawa sa anim na kalaban hanggang ang natira na lamang ay si Tuwaang at ang Binata ng Sakadna.
Binato nang napakalakas ni Tuwaang ang binata at lumubog siya sa lupa at nakita niya ang isa sa mga tagapagbantay ng mundong ilalim. Bumalik agad sa mundo ang binata at itinapon naman si Tuwaang sa mundong ilalim, kung saan nakita rin ang tagapagbantay rito. Nalaman ni Tuwaang ang kahinaan ng binata, at pagkalabas niya roon, kinuha ang gintong plawta na nagtataglay ng buhay ng binata. Dahil mas ginusto ng binata na mamatay kaysa mapabilang sa kampon ni Tuwaang, sinira ni Tuwaang ang plawta at ang binata ay unti-unting namatay.
Inuwi ni Tuwaang ang dalaga sa Kuaman kung saan siya ay naghari habambuhay.