Sipi mula sa librong Tutubi, Tutubi, ‘Wag Kang Magpapahuli sa Mamang Salbahe
(pahina 140-143)
Sa halip ang sinabi niya, “No, Jojo, you don’t understand. Bata ka pa kasi. Balang araw, kapag naging magulang ka na, maiintindihan mo rin ang sinasabi ko.” Ayaw ko ng logic niya, pirming siya ang matanda. Pirming siya ang tama. Pirming ako ang bata, kaya pirming ako ang mali, at pirming ako lang ang dapat matuto. Pero nakapagtatakang kami na kulang sa isip ang pirming hinahanapang maging tama. Bakit kaming kulang sa isip ang kailangang umunawa sa husto raw ang pag-iisip?
Sa pag-iisa, sa aming uri ng insecurity, bakit walang makaalalang magtanong kung ano ang iniisip namin? Kung sa paghahanap ng solusyon sa problema ay mali ang makuhang paraan, nagagalit sila. Paano naman ang gagawin namin sa mundo? Tumigil na lang basta sa paghinga? A, kay hirap mabuhay sa mundo na panay bawal, wala namang magturo ng tama. Kung sa pagtanda ko’y magiging kamukha ko rin sila, hindi bale na lang. Ayaw kong tumanda. Bawal maging pilyo. Mas lalong bawal maging seryoso. (Mag-i-idiot na lang ako.) Kamukha ngayon, daig ko pa ang napagkaisahan. Nagtatanong lang naman, pero nakakagalitan. Umiiwas sa kaguluhang hindi naman ako ang may kagagawan. Para na rin akong daga na tulirong nangangapa sa lungga. Ano ang gagawin ko sa aking sarili? Para rin akong may sakit na nakakahawa na hindi basta puwedeng lumapit sa kapwa.
Saan ba ako pwedeng magpasiya? ‘Yong kaluluwa ko, kargo ng pari. ‘Yong marka ko sa eskuwelahan, nakasalalay sa dulo ng pulang ballpen ng titser ko. ‘Yong gusto kong kurso, nakatali sa dulo ng bulsa ng tatay ko. ‘Yong kalayaan ko, kahit bahagya ko pa lang nagagamit ay pinutol na nila. Sila na rin ang nagbibigay ng bagong kahulugan noon, kahit hindi kami kinonsulta. Ano nga ba ang pakialam nila sa kapalaran ng mga hamak na estudyante. Kapirasong pangalang wala namang katuturan ang naiwan sa amin. Ni
hindi magamit dahil hindi naman galing sa malaking tatak. Pamilyang walang sinabi, batang walang silbi. Ay naku. Gusto ko lang magtanong, gusto ko lang matuto, kasalanan na pala iyon at ang ayaw maniwala sa kanila’y nakakaligtaan. Hindi galit ng ama sa anak o ng Diyos sa tao; galit ng maligno, kahit saan ka magtago, hindi ka makakatakas.
Bugbog –sarado pag nahuli.Torture kapag ayaw umamin, firing squad kapag nakunan ng ebidensiya. Salvage kapag nakagalitgan, salvage rin kapag nakatuwaan. Kung magrereklamo pati kaluluwa mo, pati ito buburahan ng anino. Saan na ako pupunta, ano na’ng gagawin ko sa sarili ko?
Magbabad na lang kaya ako sa disco? Sayaw na lang kaya ang problemahin ko? Pero Iglesia ni Kristo naman ang mga paa ko, hindi marunong kahit na pandanggo. Tumambay na lang kaya ako sa mga kanto tulad ng ginagawa ng mga propesyonal na taong kanto? Ano naman ang gagawin ko roon, mag-abang sa pamumulaklak ng poste?
Ay naku ulit, pinipilit ko lang maging matino sa sarili kong paraan, wala pang kaubrahan. Hindi naman siguro ako ginawa ng sino mang gumawa para sa lang maging basta yagit. Wala rin akong balak maging kontrabida sa buhay. Marami lang talagang tanong ang isip ko na naghahanap ng kahit na kapirasong sagot. At sa lipunan, bago man o luma, maraming pikon.
Silang punot’t dulo ng problema ko ngayon, silang namamahala, kung totoong parang tatay at nanay sila, tulad nina Malakas at Maganda, bakit ibang klase silang magpatupad ng disiplina? Bakit hindi magkasya sa pangaral? Bakit hindi nila maintindihan na ang ginagawa lang naman naming mga kabataan ay bilang pagsasanay sa paghahanda sa aming kinabukasan? Kung dadaanin kami sa bugbog, di lalaki kaming mga tuliro. Kung kami na ang mga pinuno, paano magpapasiya ang isang hilo?
Akala mo’y hindi sila marunong mamatay. Kung sila nang sila, at kung wala na sila, paano naman kami? Kung mamana namin ang ugali nila, di kawawa ang susunod na henerasyon, kami na matanda na ang siya namang mambubugbog sa kanila. Bakit ayaw nilang matuto kaming makialam, makisangkot? Habang buhay bang tagapalakpak na lang kami sa mga talumpati nilang hindi naman sila ang gumawa? Dapat bang maging utak-sakristan lang kami na amen lang ang bokadurang lumalabas sa bibig kapag kinausap? Saka kung itinuturing kaming parang anak, bakit kami sinisiraan? Tatatawaging misguided elements, adventurists, communists, terrorists. Basta masama, kami. Basta tama, sila? Kung ganoon silang klaseng magulang, hindi na lang baleng maging ulila, ayaw kong sumali sa kanilang pamilya. Hindi baleng mabobo, tulad ng tingin nila sa aming mga aktibista, huwag lang maging baliw na tulad nila.
Bakit ba ganito, kapag makikinig ka sa usapan ng matatanda parang parating panahon lang nila ang mahalaga. Mahusay na estudyante, baka noong panahon ni Quezon. Mahusay na sundalo, baka noong panahon ng Hapon. Walang naaalala kung hindi “noong araw” (Parang sila ang una at huling Pilipino.) Saka idagdag din kung gaano kaganda ang kanilang panahon na hindi katulad ngayon, panay kahulugan. Parang kami ang umimbento ng salitang kahirapan at problema. At kami na bunga nito, na dapat unawain ang siyang nakagagalitan kapag napag-uusapan ang kamalasan. Sagana noong araw, pero bakit tayo utang ng utang sa mga dayuhan? Saka bakit kami ang tagabayad nito balang araw? Pakikinig ba sa matatanda sa Ilog Pasig ang solusyon sa mga problema? Baka kaya sila ay isang malaking problema? Parati silang tama, ang mga Mam at Sir at mga Gardonet , sila lamang ang tanging nakakaalam sa pagpapatakbo ng mga bagay-bagay sa mundo. Sila lamang ang may monopoly ng talino. Saka nila pilit palalakihin ang papel nila sa lipunan. Ipagpipilitan ang kanila, bakit hindi sila ang pakinggan at pamarisan? Sabagay, lahat naman yata ng matanda ay ganoon, ang kilala
lamang ay ang sarili. Kahit saan mapunta ang usapan, ang halimbawa nila ay ‘yong tungkol sa sarili. Kahit saan mapunta ang usapan, ang halimbawa nila ay ‘yong tungkol sa sarili. Kung doktor ang kausap, sasabihin nitong iyon ang pinakamahusay na kurso ngayon. Ganoon din ang sasabihin kung mga titser o inhinyero ang tatanungin. Pero paano kaya makikinig kung ang kausap ay isang pulitiko o armado? E, kung armadong pulitiko? Di pangako ng baril, argumento ng bala, halakhak ng kanyon, ano pa? Lahat
yata ng matanda, sarili lamang ang nakikitang mainam. ‘Yon lang kasing karansan nila ang kabisadong ikuwento. Pag iba na ang usapan, tulad ng halimbawa ng buntonghininga ng mga katulad ko sa mundo, hindi na sila interesado. Parang kami ang nag-uso ng salitang rebolusyon. Pag narinig ito, tumataas ang lahat ng buhok nila, pati sa kilikili, kaya bumabaho tuloy ang usapan. Saka magtatatalak, kami ang makakagalitan. Luma na ‘yon, tanungin mo si Bonifacio. Kung ayaw mong maniwala, e bakit nakikiselebrasyon ka sa araw ng mga bayani? Saka ba’t mo siya tinitingnan sa mga pera?
Ayaw ko nang makinig sa mga usapang “noong araw” na hindi ko makita ang kabuluhan sa kasalukuyan. Ayaw kong maging ulyaning paulit-ulit ang sinasabi. Ayaw kong maging (mas) makulit. Ayaw kong maging inutil. Kay hirap ng maraming tanong sa buhay. Kay hirap ipanganak na “erehe” at “pilibustero” sa mundo. Kay hirap mapagsabihang bandido at terorista. Kay hirap maghanap ng kahulugan ng pangalan. Wala akong balak malagay sa pera ang retrato ko. Gusto ko lang may sumagot at makinig sa tanong ko.