Ang Kaligayahan ng Damo
May anghel na galing sa langit na nagbisita upang tiyakin kung tunay ngang ang lahat ng nilalang sa kagubatan ay nasisiyahan.
“Ginoong Punongkahoy, ikaw ba’y maligaya?” tanong ng anghel.
“Hindi,” ang sagot sa tinig na walang sigla, “sapagkat ako’y walang bulaklak.”
Ang anghel ay nagpunta sa bulaklak upang magsiyasat. “Binibining Bulaklak, ikaw ba’y maligaya sa iyong paligid?”
“Hindi ako maligaya sapagkat wala akong halimuyak. Masdan mo ang gardenia sa banda roon. Siya’y umuugoy sa amihan. Ang kanyang bango na taboy ng hangin ay kahali-halina!”
Ang anghel ay nagpunta sa gardenia upang mabatid ang damdamin nito. “Ano ang masasabi mo sa iyong halimuyak?”
“Ako’y hindi nasisiyahan. Wala akong bunga. Naiinggit ako sa saging! Iyon, siya’y natatanaw ko. Ang kanyang mga piling ay hinog na!”
Ang anghel ay lumapit sa saging, nag magandang-araw at nagtanong, “Ginoong Saging, kumusta? Ikaw ba’y nasisiyahan sa iyong sarili?”
“Hindi. Ang aking katawan ay mahina, hindi matibay na tulad ng sa narra! Pag malakas ang hangin lalo’t may bagyo, ako’y nababali! Nais ko sanang matulad sa narra!”
Nagpunta ang anghel sa narra at nagtanong, “Anong palagay mo sa iyong matibay na puno?”
“Sa ganang akin, gusto ko pa ang isang damo! Ang kanyang mga dahon ay matutulis. Ang mga ito’y nagsisilbing proteksiyon!” pakli ng narra.
Ang anghel ay nagpunta sa damo. “Kumusta ka ? Ano ang nanaisin mo para sa iyong sarili?”
“Masaya ako !” sagot ng damo . “Ayaw kong mamumulaklak. Walang kwenta ang bunga. Ayaw ko rin ng matibay na puno. Gusto ko’y ako’y ako… hindi nananaghili kaninuman pagkat maligaya!”
*nananaghili– naninibugho, naiinggit