Ang Kwento ng Bayaning si Francisco Dagohoy
Narinig mo na ba ang pangalang Gat Francisco Dagohoy? Marahil ay hindi pa. Si Gat Francisco Dagohoy ay isa sa mga bayaning hindi lubhang pamilyar sa mga bata. Ang kanyang kagitingan ay kinikilala lalong-lalo na ng mga taga-Bohol. Si Dagohoy ay tubong Boholano.
Ang pinakamahabang pang-aaklas laban sa mga Kastila ay naganap sa Bohol sa ilalim ng pamunuan ni Gat Francisco Dagohoy. Ang dahilan ng paglaban ni Francisco Dagohoy sa kapangyarihan ng mga kastila ay ang kanyang kapatid.
Ang kanyang kapatid ay isang konstable ng pamahalaan ng Kastila. Ang konstable ay tumutupad ng mga tungkulin ng pulis. Ang konstableng ito ay nakipaghamok sa isang lalaki. Sa kasawiang-palad siya ay namatay.
Tumutol ang pari na basbasan ang bangkay ng kapatid ni Francisco Dagohoy. Di umano ang konstable ay namatay sa duwelo at hindi pinapayagan ng batas ng simbahan na basbasan ang bangkay ng sinumang taong namatay sa duwelo. Dahil dito namuno sa isang pag-aaklas si Francisco Dagohoy. Maraming tao ang sumama sa pag-aaklas na ito.
Si Da|ohoy at ang kanyang mga kasama ay nanirahan sa mga bundok at inabangan si Talibon sa Bohol. Ang mga taong ito ay namatay nang malaya at malayo sa mga kamay ng mga Kastila. Ang mga tauhan ni Dagohoy ay naging matagumpay sa paglaban sa mga Kastila. Ipinahayag ni Francisco Dagohoy na malaya ang lalawigan ng Bohol. Ang lalawigan ng Bohol ay hindi nagbabayad ng buwis sa mga Kastila. Ang katayuang ito ay nagpatuloy sa loob ng 85 taon.
Ang pamahalaang Kastila ay nagpumilit na makuha ang lalawigan ng Bohol. Ngunit matatag at matigas ang mga Boholano sa pagtatanggol ng kanilang kalayaan. Lubhang nababahala ang mga Kastila sa katapangan at katatagan ng mga Boholano. Kaya’t nagpadala sila ng malaki at malakas na hukbo na magpapasuko sa mga Boholano.
Malakas at malaki ang mga kanyong ginamit ng mga Kastila laban sa mga Boholano. Walang patumanggang pagsalakay ang ginawa ng mga Kastila. Napilitang tumakas ang mga manghihimagsik sa bundok. Hindi tumugot ang mga Kastila hanggang hindi nalalansag ang hukbo ni Francisco Dagohoy. Wala silang laban sa mga armas at mga sandata ng mga dayuhan. Noong ika-31 ng Agosto 1829, napasuko ng mga Kastila ang hukbo ni Francisco Dagohoy.
Maraming manghihimagsik ang namatay sa paglaban sa mga Kastila. Alam nilang nagapi sila ng mga Kastila ngunit ibinigay nila ang kanilang buong lakas at buhay upang makalaya sa pagmamalabis ng mga Kastila. Dahil dito si Francisco Dagohoy at ang kanyang mga tauhan ay kinilala bilang mga bayani ng bansa. Ang buong bansa ay nagpupugay sa mga taong ito na hindi nangiming magbuwis ng buhay alang-alang sa kalayaan ng bayan.
*Isang kwentong pambata tungkol sa buhay ng isang bayani*